Rep. Roman: Veterans’ disability pension, dapat nang taasan

“Panahon na para taasan natin ang buwanang pensyon ng ating mga beteranong nagkaroon ng kapansanan noong sila ay nasa serbisyo (service-connected disability).”

Ito ang sinabi ni Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman kaugnay sa kakarampot na natatanggap na monthly disability pension ng mga beterano o mga military veterans.

Aniya, hindi na makatuwiran na P1,000 hanggang P1,700 lamang ang natatanggap na pensyon ng mga beterano kaya’t nagpasya siyang isulong ang pagbabago at pagtataas ng buwanang disability pension.

Ang House Bill 7302 o ang “Disability Pension of Veterans Act” na iniakda ni Congresswoman Roman ay naglalayong i-rationalize at itaas ang disability pension ng mga military veterans pati na ang kanilang mga benepisyaryo bilang amendment sa Republic Act 6948 na naaprubahan noon pang Abril 9, 1990.

“Ang dating P1,000 na minimum ay gagawin nating P4,500 at ang dating maximum na P1,700 ay magiging P10,000,” ayon pa kay Congresswoman Roman.

Dagdag pa ng mambabatas, depende aniya sa disability rate ng mga beterano ang buwanang pensyong matatanggap nila kung saan, daragdagan rin ang pensyon na matatanggap ng kanilang asawa at mga anak na menor de edad na kung dati ay P500 lamang, magiging P1,000 na ito kada buwan.

“Makatarungan lamang na tulungan natin ang ating mga beteranong nagkaroon ng kapansanan sa panahon ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng mas malaking buwanang pensyon. Alagaan natin ang ating mga beterano,” sambit pa ni Rep. Roman.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews