ORANI, Bataan — Pinangunahan kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at ng lokal na pamahalaan ng Orani ang pagsasagawa ng reorientation sa revalidation ng Barangay Drug Clearing Program o BDCP sa bayan bilang parte ng patuloy na pagsulong ng kampanya laban sa droga.
Ayon kay Mayor Efren Dominic Pascual Jr., pinili ng PDEA ang Orani bilang pilot municipality sa lalawigan ng Bataan dahil sa kanilang epektibong implementasyon ng mga programa kontra droga sa mga barangay.
Aniya, ang isinagawang orientation ay upang muling ipaalala ang mga kailangang gampanan ng bawat barangay sa pagpapanatili ng isang Drug Cleared Barangay.
Sa aktibidad, muling ipinaliwanag ng PDEA sa mga barangay officials ang mga proseso at mga dokumentasyon na kailangang sundin sa pagpapatupad at pagresolba ng mga kaso ng ilegal na droga sa kanilang mga nasasakupan.
Binigyan diin ni Pascual ang kahalagahan ng programa na aniya ay sa kabila ng pandemyang kinakaharap ng bansa, may mga nakakapuslit pa rin sa bayan na nakakapagbenta at nakakagamit ng ilegal na droga.
Dagdag niya, maaring magbago ang panahon dulot ng pandemya ngunit hindi dapat magbago ang pagbibigay serbisyong pampubliko at pagtitiyak ng kaligtasan ng kanilang mga kababayan.
Katuwang sa isinagawang aktibidad ang Philippine National Police at Department of Interior and Local Government kung saan nagsidalo ang mga barangay officials mula sa 29 barangays sa Orani. At upang mapanatili ang social distancing at ibang health protocols, ang mga kalahok sa 14 na barangays ay dumalo sa umaga samantalang 15 barangays naman lumahok sa hapon.