Kapitbahay Ko, Guro Ko Project inilunsad ng DepEd San Jose

LUNGSOD NG SAN JOSE — Inilunsad ng Department of Education o DepEd San Jose City ang Kapitbahay Ko, Guro Ko Project sa pagsusulong ng mataas na kalidad ng edukasyon.

Ayon kay DepEd San Jose Schools Division Superintendent Johanna Gervacio, isa sa mga inisyatibo ng dibisyon ang nasabing proyekto upang masiguro ang kalidad ng edukasyong matatanggap ng mga nasasakupang mag-aaral sa siyudad.

Ibinalita ni Department of Education San Jose City Schools Division Superintendent Johanna Gervacio ang kagayakan ng kagawaran sa pagsisimula ng klase sa siyudad. (Camille Nagaño/PIA 3)

Aniya, batay sa resulta ng isinagawang survey ay maraming mga magulang o guardian ng mga estudyante sa siyudad ang nangangailangan ng sapat na kaalaman upang magabayan ang mga anak sa pag-aaral.

Kung kaya’t bilang solusyon ng kagawaran ay nagkaroon ng mapping ng lahat ng mga guro mula kindergarten hanggang senior high school na tututok o tutulong sa mga mag-aaral mula sa partikular na barangay o lugar sa siyudad. 

Ibinalita din ni Gervacio na hindi lamang ang mga guro ang dumaan sa mga pagsasanay hinggil sa mga bagong pamamaraan ng pagtuturo kundi ang mga magulang ng mga estudyante kung paano magagabayan sa pag-aaral ang mga anak. 

Aniya, nasa higit tatlong libong mga magulang na ang lumahok sa mga pagsasanay na isinagawa online at mayroong ding ilang piling dumalo sa mga aktwal na pagpupulong.

Pahayag ni Gervacio, sa siyudad ay ipatutupad ang blended learning o kombinasyon ng printed modular at open digital na kung saan ang mga mag-aaral ay bibigyan ng USB o OTG (On-the-Go) Drive na naglalaman ng mga leksiyon upang kanilang pag-aralan. 

Mapalad aniya ang kagawaran dahil sa suportang natatanggap mula sa mga stakeholders partikular na ang tulong na ibinibigay ng pamahalaang lungsod ng San Jose na naglaan agad ng 29-milyong pisong pondo para sa pagpapakabit ng internet connection, wifi hotspot sa lahat ng paaralang nasasakupan.

Paliwanag ni Gervacio, ang lahat ng eskwelahan ay lalagyan ng booster o transmitter upang magkaroon ng internet connection ang mga guro at estudyante kahit pa nasa mga tahanan lamang. 

Nakapagpamahagi na din aniya ng mga laptop ang pamahalaang lungsod ng San Jose para sa mga school heads upang mayroong magamit ang kada paaralan sa paggawa ng mga materyal sa pagtuturo.

Nasa mahigit 26 na libong USB-OTG naman ang ipamimigay din ng pamahalaang lokal sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school.

Plano din ng pamahalaang lungsod ng San Jose na makapagpatayo ng sariling studio na mayroong kumpletong teknolohiya o kagamitan para sa paggawa ng mga video learning materials na kailangan ng mga guro.

Lubos na pasasalamat naman ang ipinaaabot ni Gervacio sa pamahalaang lungsod ng San Jose sa lahat ng pag-agapay sa kagawaran at pagpapadama ng malasakit sa mga mag-aaral. 

Kaniyang dagdag na pahayag ay hindi masasayang ang mga pinaghirapan dahil nakagayak ang DepEd San Jose sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon bawat batang San Josenio.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews