BULAKAN, Bulacan — Tahimik na inalala ng mga Bulakenyo ang Ika-170 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar, sa punto na dapat seryosohin ang pagsunod sa itinakdang minimum health standards upang maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19.
Kabilang na riyan ang pag-sanitize ng kamay gamit ang sabon at tubig o alcohol-based sanitizer, pagsuot ng face mask at face shield nang maayos at pagdistansya ng di bababa sa isang metro.
Sinabi ni Crisanto Cortez, propesor sa kasaysayan at may akda ng aklat na “Plaridel: Dungan ng Katipunan”, hindi ito unang pagkakataon na naranasan ng mga Bulakenyo.
Noong 1880s aniya, napasunod ni Plaridel ang maraming mga Bulakenyo na sundin ang pangunahing health protocol upang hindi na kumalat pa ang Kolera na noo’y isa ring pandemya.
Sapagkat noong panahong iyon, wala pang lunas sa Kolera kaya’t kapag tinamaan nito ang isang tao, malaki ang posibilidad na makahawa at makamatay ito.
Kaya’t ikinampanya niya na kung ang isang tao ay nagkakolera, ay agad nang ilibing at huwag nang idaan pa sa simbahan.
Sinunod ito ng mga Bulakenyo ang kampanyang ito ni Plaridel sa kabila ng matinding pagtutol ng mga prayle.
Kaugnay nito, sinabi ng kurador ng Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa Bulakan na si Alex Aguinaldo na panahon na tumama ang sakit na Kolera sa Pilipinas ay panahon din na naitatag ang Diariong Tagalog partikular.
Sa nasabing pahayagan lalong ibinuhos ni Plaridel ang kanyang adhikain para sa mga karapatang sibil ng karaniwang Pilipino.
Samantala, bilang pagsunod sa mga health protocols, sarado pa rin sa publiko ang pambansang dambana ni Plaridel sa nasabing bayan.
Nauna nang pansamantalang isinara muna ang museo nito habang may pandemya pa.
Tanging pag-aalay ng bulaklak sa libingan at dambana ni Plaridel ang isinagawa ngayong ika-170 taon niya at walang programang pang-alaala.