Pampanga, magbubukas ng provincial trading center para sa produktong agrikultural

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nakatakdang buksan ng pamahalaang panlalawigan ang isang trading center upang bigyan ng pwesto ang mga magsasaka at mangingisdang ibenta ang kanilang mga produkto. 

Ang nasabing trade post, na siyang kauna-unahang sa lalawigan, ay itatayo sa dalawang ektaryang lupain ng dating San Fernando Transport Terminal at Salilungan One-Stop Shop sa tulong ng Armed Forces of the Philippines o AFP at iba pang ahensya ng pamahalaan. 

Ayon kay Gobernador Dennis Pineda, layunin ng nasabing pasilidad na mapalago ang industriya ng agrikultura sa lalawigan, na apektado ng kasalukuyang pandemya.

Aniya, apektado ng umiiral na quarantine ang galaw ng mga produktong agrikultural na nagdudulot ng pagkaantala sa produksyon at mababang presyo, kung kaya nararapat na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na ibenta ang kanilang mga produkto. 

Ayon kay Board Member at Provincial Committee Chair on Agriculture Ananias Canlas, isa ito sa mga prayoridad na proyekto ng Kapitolyo patungkol sa seguridad sa pagkain. 

Aniya, magsisilbi itong bagsakan ng mga produkto tulad ng gulay upang maging ang mga karatig-lugar ay makapamili ng mga nasabing produkto. 

Samantala, nangako naman ang Lungsod ng San Fernando na pansamantalang ipagagamit nang libre ang pasilidad.

Tiniyak naman ng AFP na na tutulong ito upang mas mapabilis ang pagbubukas ng trade post upang mas mas marami pang Pilipino ang makinabang.

Inaasahang magbubukas sa publiko ang pasilidad sa ikatlong linggo ng Setyembre.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews