1st crew change sa labas ng MM isinagawa ng DOTr sa Bataan port

ORION, Bataan – Isinagawa ngayong Sabado (September 5) sa Port Capinpin, Orion, Bataan ang kauna-unahang crew change operations outside Metro Manila.

Ayon sa Department of Transportation o DOTr bahagi ito ng international commitment ng gobyerno na gawing crew change capital ang Pilipinas.

Pinangunahan ni DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran ang naturang aktibidad kasama sina Office for Transportation Security (OTS) Administrator Usec Raul Del Rosario, DOTr Assistant Secretary for Maritime Narciso Vingson, PCG Bataan Station Commander Larry Cendaña, MARINA-METSS Capt. Vicente Navarro, Philippine Ports Authority (PPA) Aurora/Bataan Port Manager Allan Rojo, BOQ Bataan Station Chief Dr. Emmanuel Sto. Domingo, at mga representatives ng Bureau of Immigration (BI) at ng Local Government Unit officials sa lugar. 

“Importante po ang crew change upang masiguro ang kalusugan, kaligtasan, kapakanan at kabuhayan ng mga seafarers dahil sila ay maaari lamang magtagal sa isang vessel ng walang leave hanggang 11 months, ayon sa International Labour Organization (ILO) 2006 Maritime Labour Convention (MLC),” ayon pa kay Asec. Libiran.

Dagdag pa ni Asec. Libiran ito ay makatutulong lalo na sa mga seafarers na na-stranded onboard sa mga barko na nag-expire na ang mga kontrata dahil sa mga travel restrictions na ipinatupad dahil sa COVID-19 pandemic. 

Kamakailan ay nagsagawa ng dry run ng sistematikong pamamaraan ng crew change operation na sinaksihan ng Bataan IATF sa pamumuno ni Bataan Governor Abet Garcia.

“Ang Bataan Port Capinpin po ay gagamiting pansamantalang daungan ng ating mga kababayang seafarers na may ilang buwan nang nasa laot sanhi ng pananalasa ng COVID-19 at naghihintay ng pagkakataong makadaong at makauwi sa kanilang mga pamilya. Kasabay nito, sasampa naman ang kanilang mga kapalit na seafarers sa pagpapatuloy ng operations ng mga kumpanyang kanilang kinabibilangan,” pahayag ni Gov. Garcia. 

Kaugnay nito, nilagdaan din ni Gov. Garcia ang Bataan IATF Resolution No. 14 na nagtatakda ng mga detalyadong alituntunin sa pagpasok at paglabas ng mga seafarers sa Bataan pati na ang protocols na kailangan nilang sundin habang nasa Port Capinpin. 

Sa ilalim ng Resolution, ang mga bababang seafarers ay sasailalim sa swabbing sa itinalagang area sa compound ng Port Capinpin bago sila dalhin sa quarantine facility sa labas ng Bataan kung saan sila maghihintay ng resulta ng kanilang PCR Test. 

Ang mga sasampang seafarers naman ay kinakailangang sumailalim muna sa strict border protocol sa lalawigan at magpakita ng arrival clearance bago sila papasukin. Kailangan ding mayroon silang valid PCR Test na negatibo ang resulta. 

“Gusto ko pong siguruhin sa ating mga kababayan na ang pangunahing isinaalang-alang natin sa usaping ito ay ang kaligtasan at kalusugan nang nakararami kung kaya’t minabuti nating makipag-ugnayan sa mga kinauukulan,” dagdag pa ng Gobernador. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews