Inihain ni Senate President Tito Sotto III ang Senate Bill No. 1820 o panukalang Media Workers’ Welfare Act na magbibigay proteksyon sa mga mamamahayag sa bansa.
Nakapaloob sa panukala ni SP Sotto ang paglalaan ng comprehensive package para sa mga media workers tulad ng mga benepisyo na nakukuha ng mga empleyado sa pampubliko at pribadong sektor.
Itinatakda din sa panukala ang pagbuo ng basic compensation scheme na gagarantiya sa security of tenure, regularisasyon at insurance benefits na bukod sa umiiral na benepisyo mula sa gobyerno.
Pinabibigyan din ng panukala ni Sotto ang mga media workers ng 500 pesos kada araw na hazard pay sa mga delikadong coverage, overtime pay, at night shift differential pay.
Kasama din sa panukala ang pagbuo ng News Media Tripartite Council na magsisilbing koneksyon sa iba’t ibang stakeholders para sa paglalatag ng mga polisiya o desisyon para sa media industry.
Ang panukala ni SP Sotto ay pagkilala sa malaking papel at sakripisyo ng media na aniya’y mas malaki pa ang oras na ginugugol sa trabaho kesa sa kanilang pamilya.
Ayon kay Sotto, ngayong pandemya ay napatunayan kung paano sinuong ng media ang panganib para makapagbigay ng impormasyon sa publiko ukol sa gobyerno at sitwasyon sa mga komunidad.