LUNGSOD NG MALOLOS — Nagdaos ng Bulacan Online Dance Festival ang Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office o PHACTO bilang bahagi ng selebrasyon ng Singkaban Festival 2020 sa kabila ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon kay PHACTO head Eliseo Dela Cruz, kabilang sa mga itinampok na grupo ng mananayaw sa naturang aktibidad ang BASC Liping Tagalog Folkloric Group, Bulacan Ballet Academy, BulSU Dancesports Team, BulSU Entablado, BulSU Hyperdynamics, BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe, FCPC Baliktanaw, Hiyas ng Hagonoy Folkloric Group, Indak Guiguintenyo, Kenyo Street Farm, LCUP Primemovers, LCUP Sandayog Dance Troupe, Sining Bulakenyo, Sining Tanglawan at Halili Cruz School of Ballet.
Bukod rito, nagkaroon ng online streaming ng Bulacan Brass Band Online Festival na nagtampok sa mga musikerong Bulakenyo habang tumutugtog ng iba’t ibang himig at sikat na mga kanta kabilang ang Hiyas ng Bulacan Brass Band, San Migue National High School Brass Band, Angat Community Band, San Roque Band, Saint Joseph Band, Sacred Heart Academy Brass Band, Banda 88, Apo Ana Brass Band, Banda 31 Kapisanan Ligaya, Banda 31 Original of Santa Maria, Kapisanan Banda, Dakila Brass Band at BulSU Symphonic Band.
Bukod sa mga konsiyerto at pagtatanghal, kasama rin sa buong linggong selebrasyon ang iba pang mga programa na ginanap online tulad ng “Discover Flavors of Bulacan” kung saan itinanghal dito ang mga lahok na video presentation ng food discoveries at sari-saring sikat na masasarap na pagkain na gawang lokal sa mga bayan at lungsod sa lalawigan; at “Pasyal Saya sa Bulacan: Virtual Tour of Bulacan” kung saan ang mga makasaysayan at mga sikat na pasyalan at destinasyon ay itinanghal sa pamamagitan ng mga audio visual presentation.
Ayon kay Dela Cruz, patuloy ang kanilang tanggapan sa pagsasagawa ng mga programa upang mapanatiling buhay at ikintil ang mayamang sining at kultura ng lalawigan sa mga susunod na henerasyon.