Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang P4.5 Trilyong pondo para sa susunod na taong 2021 matapos ang dalawang linggong deliberasyon dito ng komite.
Sa susunod na Linggo ay nakatakda na itong isalang sa plenaryo para pagdebatehan at amyendahan ang ilang mga nakapaloob na probisyon sa budget.
Target din na pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa ang national budget sa katapusan ng buwan o sa unang linggo ng Oktubre upang malagdaan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Nobyembre.
Sakali mang mangyari ito, ay ito na ang pinakamaagang pagapruba sa budget sa buong kasaysayan ng pagdinig sa pambansang pondo.
Samantala, matatandaang kinumpirma ni Appropriations Vice Chairman Jonathan Sy-Alvarado na tinapos na rin ng komite ang budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kahit hindi pa ito natatalakay talaga dahil sa makailang beses na itong nasuspindi.
Balak ng komite na sa plenaryo na lamang pagusapan ang mga isyung kinakaharap ng PCOO partikular sa isyu ng red-tagging sa mga Makabayan Congressmen.