GUIGUINTO, Bulacan — Umusad na ang skills training para sa mga manggagawa kaugnay ng pagtatayo ng New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.
May inisyal na 60 indibidwal ang sasailalim sa naturang pagsasanay sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Regional Training Center na nasa bayan ng Guiguinto.
Ayon kay TESDA Regional Director Jesus Fajardo, kabilang sila sa mga naninirahan sa may 364 na bahay na tinanggal sa loob ng 2,500 ektaryang pagtatayuan ng nasabing paliparan.
Base sa Memorandum of Agreement ng TESDA at San Miguel Corporation o SMC, ang konsesyonaryo ng proyekto, sasagutin ng kumpanya ang gastusin sa skills training habang ang ahensya ang bahala sa pagpapatupad nito.
May inisyal na isang milyong piso ang ibabayad ng konsesyonaryo sa TESDA, kung saan bawat isang scholar ay nilaanan ng halagang 15 hanggang 20 libong piso.
Ayon kay SMC Project Manager for Corporate Social Responsibility and Resettlement Micaela Rosales, tig-12 scholar ang inisyal na sasanayin sa limang skills courses na Shielded Metal Arc Welding NC II, Electrical Installation and Maintenance NC III, Hydraulic Excavator NC II, Dressmaking NC II at Cooking.
Ipinaliwanag ni Rosales na sa anim na taong konstruksyon ng NMIA, mangangailangan ng 20 libong katao bawat araw para sa magiging 24 oras na konstruksyon.
Ito rin ang dahilan kung bakit isinama ang mga skills training ang dressmaking at cooking para sa kapakanan ng mga magtatrabaho rito.
Binigyang diin naman ni TESDA Provincial Director Joven Ferrer na hindi tinakdaan ng konsesyonaryo kung hanggang saan ang saan isailalim sa skills training.
Hangga’t mayroon aniyang magsusumite ng aplikasyon, gaano man ito karami ay tatanggapin dahil sa laki ng pangangailangan sa lakas-paggawa upang maitayo ang 735 bilyong pisong halagang NMIA.
Bukod sa skills training, nakalipat na rin ang mga benepisyaryo sa kanilang bagong tirahan sa barangay Bambang sa Bulakan.
Sa 364 na mga ginibang bahay, 15 porsyento rito o katumbas ng 55 ay pawang mga konkretong bahay. Pinagkalooban sila ng halagang 100 libong piso ng konsesyonaryo at halagang 250 libong piso para sa may 309 na mga bahay na hindi konkreto.