LUNGSOD NG MALOLOS– Inihayag ni ni Gobernador Daniel Fernando ang kanyang plano na humingi ng tulong sa Kongreso sa paggawa ng panukala sa pagtatayo ng karagdagang imbakan ng tubig sa lalawigan upang makatulong sa pangangailangan na tubig pang-irigasyon ng mga magsasaka.
“Matagal na itong isinisigaw ng Provincial Government ang dagdag na dam. Additional na imbakan ng tubig, na ang tubig ay manggagaling sa itaas. Kinakailangan na saluhin na natin ang mga tubig na nanggagaling sa ulan,” anang gobernador.
Ito ang pahayag ni Fernando sa ginanap na “Distribution of Farm Equipment and Marine Engine” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos nitong Sabado.
Ayon sa gobernador, tatlong taon na nang ilang mga magsasaka sa hilaga at kanlurang distrito ang pinutulan ng tubig irigasyon dahil sa mababang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Inatasan ng gobernador ang Provincial Agriculture Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Provincial Planning and Development Office, at ang Provincial Legal Office upang bumalangkas ng sulat na isusumite sa Kongreso.
Sinabi rin niya na nabanggit na niya ang nasabing plano kay Department of Agriculture Secretary William D. Dar noong bumisita ito sa lalawigan at ayon sa kalihim, kapareho ito ng harvesting of rainwater na proyekto ng kanilang departamento.
Bilang karagdagan, inanunsyo ni Fernando ang itatayong Farmers Training School na may dormitoryo para sa mga Bulakenyong magsasaka upang mabigyan sila ng karagdagang kaalaman sa bagong teknolohiya sa pagsasaka.
Samantala, sa ginanap na pamamahagi ng farm equipment at marine engine, 20 Farmers Cooperative and Association (FCA) ang tumanggap ng dalawang yunit ng Knapsack Sprayer bawat isa habang limang FCA ang nag-uwi ng 50 piraso ng plastic rates mula sa DA Regional Office 3.
Gayundin, namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng 21 yunit ng engine at pump, at walong yunit ng marine engine sa mga karapat-dapat na FCA.