Sa isinagawang pagbisita ni Bataan 1st District Rep. Geraldine B. Roman kamakailan sa Brgy. Naparing, Dinalupihan, Bataan para sa isang public consultation ay tiniyak nito sa mga residente ang kanilang kaligtasan sa isang major project ng Bases Conversion Development Authority o BCDA.
Nakasama ni Congresswoman Roman ang mga residente rito at ng mga karatig-barangay ng Colo, Happy Valley, at Pag-asa pati na ang BCDA officials para pag-usapan ang Subic-Clark Railway Project at ang magiging epekto nito sa mga nabanggit na barangay.
“Masaya akong ibalita sa inyo na ang 427 na kabahayan at pampublikong mga buildings na matatamaan sa initial na plano ng nasabing project ay hindi na maapektuhan dahil sa proposed realignment ng ruta ng tren,” pahayag ni Roman sa mga dumalo sa konsultasyon.
Siniguro din, ani Roman, ni BCDA Senior VP Joshua Bingcang na susundin nila ang proposed realignment para wala nang mapinsalang mga kabahayan at mga mamamayan sa mga nabanggit na lugar.
Dagdag pa ni Rep. Roman, ang napagbigyang hiling na realignment na ito ay bunga ng maayos at patuloy na pakikipag-ugnayan niya sa BCDA.
Kasama ni Rep. Roman sa public consultation sina Punong Barangay Ariel Cruz ng Brgy. Colo, PB Michael Reyes ng Brgy. Happy Valley, PB Daniel Cajape ng Brgy. Pag-asa, at PB Thelma Mangubat ng Brgy. Naparing.
Ang Subic-Clark Railway Project ay ang P50 bilyong proyekto ng Department of Transportation na popondohan ng opisyal na development assistance program ng China (P42.5B) at ng gobyerno ng Pilipinas (P7.5B).
Ito ay may habang 71.13 kilometro at siyang magsisilbing cargo railway na magkokonekta sa Subic Bay Freeport Zone at Clark Freeport Zone para masuportahan ang current industrial activities at matugunan ang potential demand sa freight services sa Subic-Clark Corridor.