Unang misyon ng MV Amazing Grace ng Red Cross, tumulong sa Catanduanes

SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Naglayag na ang barko ng Philippine Red Cross o PRC na MV Amazing Grace mula sa Subic Bay Freeport Zone patungo sa Catanduanes.

Ayon kay PRC Chair Senador Richard Gordon, hindi lamang ito basta paglalayag ng isang barko kundi upang magdala ng iba’t ibang suplay na makakatulong sa pagbangon ng lalawigan na labis na sinalanta ng magkasunod na bagyong Rolly at Ulysses.

Kabilang sa mga sakay nito ang mga non-food items gaya ng isang libong Kitchen Sets upang makapaghain ng hot meals sa mga evacuation centers at iba pang nangangailangan ng agarang lutong pagkain. 

May dala rin itong isang libong units ng Jerry cans na magsisilbing water containers upang mapunan ang kakulangan sa malinis na suplay ng tubig. 

Iba pa rito ang mga blankets, sleeping mats, kulambo, hygiene kits at mga galvanized iron sheets upang ibigay sa mga nawalan ng bubong ang bahay.

May lulan din itong dalawang units ng sasakyan gaya ng minivan at isang Willy jeep upang mapadali ang transportation and logistics ng PRC pagdaong sa Catanduanes. 

Ayon pa kay Gordon, ito ang kauna-unahang humanitarian deployment ng MV Amazing Grace mula nang kinomisyon ng PRC noong 2017.

Binigyang diin niya na hindi lamang ito maghahatid ng tulong, kundi patuloy na aagapay ito sa sinumang mamamayan ng Pilipinas upang mabigyan ng pag-asang muling makatayo at makabangon mula sa pagkakasadlak sa nagdaang mga kalamidad.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews