NLEX dapat tularan ang Japan at China sa pagpapatupad ng RFID: Gob Fernando

Mungkahi ni Bulacan Governor Daniel Fernando na dapat tularan ng pamunuan ng North Luzon Expressway Corporation ang modernong teknolohiyang gamit ng mga bansang Japan at China sa pagpapatupad ng Radio-frequency identification (RFID).

Ito ang naging pahayag ng gobernador kaugnay ng aniya’y minimal na kapalpakan ng ilang RFID pangunahin na sa mga toll plaza ng NLEX nitong mga nagdaang araw matapos mahigpit na ipatupad ng nasabing kumpanya ang cashless transaction simula nitong Disyembre 1.

Nabatid na ang pagkakaroon ng problema ng mga motorista sa paggamit ng RFID ay nagdulot ng mahaba at mabagal na daloy ng trapiko sa pagpasok at paglabas sa NLEX nitong mga nagdaang mga araw na naging dahilan ng pagsuspinde ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa business permit ng NLEX sa kaniyang nasasakupan kung saan ay nasundan pa ng ilang texto sa social media ng punong lungsod ng pagbabanta nai-revoke ang permit kung mauuwi sa hindi maganda o kung lalala pa ang susunod na sitwasyon.

Ang lalawigan ng Bulacan ay mayroong siyam na toll plaza kung kaya’t hindi rin maiwasan na mabahala si Fernando sa aberyang dulot ng RFID para sa mga Bulakenyo na nagpapaabot ng kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng social media.

“Ako mismo bago pa man ipatupad ang cashless-transaction ay naging biktima na rin ng RFID sa NLEX, urong-sulong kami bago binasa ng sensor…. Ang nakikita ko dito ay tila mahinang klase ng aparato ang mga ginamit na RFID kaya mayroong pagkakataon na hindi ito makabasa agad,” ayon sa gobernador.

Payo ni Fernando, dapat ay mahusay na quality ng RFID unit ang ikinabit ng NLEX gaya ng sa bansang Japan at China na aniya’y 5-6 meters away ay nababasa na agad ng sensor ang papalapit na sasakyan. Dapat umanong pinag-aralang mabuti at in-anticipate nila ang mga gtanyang problema at kung ano ang agarang solusyon bago mahigpit na ipinatupad.

Giit pa ng gobernador na kailangan talagang maging maayos ang RFID system lalo na at paparating na ang malaking development sa lalawigan dahil sa pagtatayo ng P740-bilyong Bulacan airport sa bayan ng Bulakan at Mega City sa bayan ng Pandi.

Pabor naman si Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr. sa naging hakbang ni Mayor Gatchalian ngunit giit nito ay hindi niya ipapatupad o babawiin ang business permit ng NLEX gawa nang secondary toll plaza lamang ang kaniyang bayan mula sa Balintawak toll plaza.

“It’s a wake-up call para sa kanila ang ginawa ng Valenzuela, hindi lang ngayon nagyayari yan noon pa yan nararanasan na ng motorista ang problemang yan sa RFID…kailangan diyan ang agarang aksyon at solusyon at tiyaking hindi na mauulit,” ani Mayor Cruz.

Ayon naman sa NLEX Corporation nagpapatupad na sila ng maraming hakbang upang malutas ang isyu ng Valenzuela upang maprotektahan ang mga customer at stakeholder nito.

“We are reviewing the situation and are doing everything necessary to address theissues, including amicable and cooperative initiatives between the tollway company and the City of Valenzuela,” ayon kay NLEX Corporation President J. Luigi Bautista.

Giit nito, “We are working to eliminate the inconvenience caused to our customers by the new compulsory tollway cashless transaction system using RFID that is required by the Department Order of the Department of Transportation (DOTr).”

Gayunpaman, sinisiguro ng NLEX sa lahat ng mga stakeholder na ang kanilang mga alalahanin na ipinaabot sa social media ay naririnig at tinutugunan bilang pangunahing priyoridad at pinapabilis nito ang mga solusyon upang gawing mas maginhawa para sa publiko na ayusin ang bagong sistema ng RFID.

Tiniyak ni Bautista sa maraming mga stakeholder ng tollways firm na magpapatuloy ang kanilang isasagawang series of consultation and dialogues sa local government unit ng Valenzuela City.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews