Gov Fernando naghigpit sa Bulacan borders kontra COVID-19

Nagpulong ang Provincial Task Force on COVID-19 sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando sa pamamagitan ng zoom video conference nitong Biyernes kung saan tinalakay ang kasalukuyang pandemya at binigyang diin sa publiko na ipagpatuloy ang seryosong paglaban sa sakit, may banta man o wala ng mga bagong uri ng COVID-19 na kumakalat sa buong mundo sa kasalukuyan.

Kabilang sa isinagawang paghihigpit ay ang pagprotekta sa mga hangganan ng nasabing lalawigan kung saan may kabuuang 15 na quality control points sa lahat ng papasok at papalabas ng Metro Manila, Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan habang 13 ang Bulacan Shield, dalawa ang nakalaang control points at 12 ang quality control points sa NLEX ang patuloy na ipinatutupad.

Sinabi ni Fernando na anumang uri ng COVID-19 ang nilalabanan ng lalawigan, mananatiling banta ito sa kalusugan ng mga Bulakenyo.

“Kahit anong variant ng COVID-19 ang makapasok pero sana ‘wag naman, lahat ‘yan pinaghahandaan natin sa awa ng Diyos, malalampasan din natin ito hanggang magkaroon na ng vaccine sa atin, patuloy lang po tayong sumunod sa health protocols,” anang gobernador habang binibigyang diin na bagaman binalda ng pandemya ang ekonomiya, hindi nito nagupo ang katatagan ng mga Bulakenyo.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) nitong Enero 6, 2021, bineripika ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) na may 35 na bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan, kaya naman nasa 10, 635 na ang kumpirmadong kaso habang 398 ang namatay. Sa mga buhay na kaso, 9,683 (91%) ang gumaling habang 554 (6%) ang nasa mga isolation at monitoring na lugar sa mga ospital at pasilidad.

Nakasaad din sa tala na sa 13,361 na mga specimen na ipinadala sa National (RITM), Subnational (LCP), at ibang DOH accredited molecular laboratories, 10,635 ang nagpositibo, 2, 637 ang nagnegatibo, dalawa ang equivocal/indeterminate ang resulta at 87 ang naghihintay pa ng resulta.

Sa kasalukuyan, nananatiling nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine ang Bulacan.

Ayon sa World Health Organization, ang SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19 ay nagkaroon na malaking epekto sa kalusugan sa buong mundo na nagdudulot ng malubhang sakit at nagreresulta ng pagkamatay sa mga nasa kategoryang ‘vulnerable’, pagkaantala ng serbisyong pangkalusugan, pagbiyahe, edukasyon at iba pang aktibidad; at pagkakaroon ng malawakang  negatibong epekto sa pisikal at mental na kalusugan ng mga mamamayan.

“While mutations of SARS-CoV-2 are expected, it is important to continue to monitor the public health implications of new virus variants,” ayon sa WHO.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews