LUNGSOD NG MALOLOS- Sa lahat ng probinsiyang nakapalibot sa National Capital Region (NCR), ang lalawigan ng Bulacan ang umani ng mga papuri mula sa pamahalaang nasyunal dahil sa pagkakamit ng pinakamababang infection rate at nakapagtala naman ng pinakamataas na recovery rate na 96 porsyento at walang namatay sa nakalipas na mga buwan kaugnay ng kaso ng Coronavirus disease o Covid-19.
Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, isang paraan aniya ay ang disiplina sa sarili na siyang pinakamabisang panlaban sa nasabing nakamamatay na virus habang wala at hinihintay pa ang bakuna.Muling binigyang diin ng gobernador ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng protokol sa kalusugan at COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolutions sa kanyang mensahe sa opisyal niyang Facebook page kamakailan.
“Ipatutupad po natin ng may lalong paghihigpit ang protokol at pamantayan sa kalusugan upang maiwasan ang muling pagkalat ng COVID-19, nais nating matiyak na hindi mawawalang saysay ang mga pinagtiisan at ipinaglaban natin noong ECQ,” ani Fernando.
“May karampatang parusa at multa ang lalabag sa health at IATF protocols dahil ang pinakamabisang panlaban ay disiplina ng bawat isa, ang pagsasagawa ng minimum health standards, kaya ugaliin po natin ang patuloy na pag-iingat at huwag po natin itong balewalain, huwag tayong masanay sa mali,” anang gobernador.
Aniya, bagaman umani ng mga papuri ang Bulacan mula sa nasyunal na pamahalaan dahil sa mga nabanggit na datos, patuloy pa rin ang laban ng lalawigan kontra sa nasabing infectious disease kabilang na ang paghihigpit sa mga borders papasok at palabas ng nasabing probinsiya.Inatasan na rin ng gobernador si Bulacan Police provincial director Col. Lawrence Cajipe na mahigpit na ipatupad ang IATF health protocols kasabay ng paghihigpit sa mga checkpoints at karagdagang police visibility partikular na sa mga pampublikong lugar.
Sinabi din niya na ayon sa mga tala, tumaas ang pagkalat ng COVID-19 nitong nakalipas na panahon ng Kapaskuhan kung kaya nananawagan siya sa lahat na gawin ang kanilang bahagi.
“Ang bawat isa ay maaaring mag-ambag sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa minimum health standards para patuloy na makabalik ang mga tao sa kanilang pagtatrabaho, maiiwasan ang pag-akyat ng kaso at ‘di mawala ang pangamba sa pagsasara ng mga negosyo at kawalan ng trabaho, at mas magiging mabilis ang pagbubukas ng ekonomiya,” ayon kay Fernando.Nabatid naman sa pinakahuling surveillance update nitong Enero 20, 2021 4PM na sa 11,201 COVID-19 na mga kaso sa Bulacan, 10,090 (90%) ang gumaling, 703 (6%) ang aktibong kaso 408 (4%) ang namatay. Sa kasalukuyan, 52 na mga bagong resulta ang nadagdag sa kabuuang bilang ng mga naitalang beripikadong kaso ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU).