LUNGSOD NG MALOLOS- Mahigit P202 milyong halaga ng farm machineries ang ipinagkaloob sa mga Bulakenyong magsasaka mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ginanap na distribusyon nito sa Capitol Gym sa nasabing lungsod nitong Martes ng umaga.
Ang mga makinarya at kagamitan sa pagsasaka na nagkakahalaga ng P202,708,000 ay tinanggap ng 91 na mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka sa buong lalawigan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) na naantala dahil sa pandemya at mga nagdaang bagyo.
Pinangunahan ni Governor Daniel Fernando ang pamamahagi katuwang ang Department of Agriculture (DA) na kung saan ay kabilang umano ito sa ikalawang batch ng benepisyaryo para sa 2019 at unang batch para sa 2020.
Kabilang dito ang 70 four-wheel drive tractors, 84 hand tractors, dalawang precision seeders, 12 transplanters, 15 rice reapers, 28 combine harvesters, apat na floating tillers, tatlong transplanter riding types, isang multi-pass rice mill at isang recirculating dryer.
Lubos namang nagpapasalamat si Gob. Fernando sa tulong na ito mula sa Department of Agriculture at PhilMech.
“Malaking tulong ito sa atin lalo na pagkatapos ng mga mapaminsalang bagyo, at patuloy na dumadaan sa pagsubok ng pandemya. Tayo naman ay kaisa ng Pamahaalaang Nasyunal sa layunin na matulungan ang ating mga magsasaka na makamit ang masaganang ani at mataas na kita tungo sa kasapatan ng pagkain para sa mga Pilipino,” ani Fernando.
Bukod dito, sinabi ni Gloria SF. Carrillo, Provincial Agriculturist ng Bulacan, na lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ay nag-apply, nagsumite ng mga kaukulang dokumento at sinala ayon sa polisiya ng PhilMech.”Ang RCEP ay pinondohan sa ilalim ng Republic Act (RA) 11203 o “Rice Tariffication Law” (RTL). Ang P10 bilyong pondo ay nahahati sa pamamahagi ng punla, (P3 bilyon), kagamitan (P5 bilyon), extension services (P1 bilyon) at pautang (P1 bilyon) taun-taon sa loob ng anim na taon,” ayon kay Carrillo.