Kooperasyon ng local media kontra COVID-19, panawagan ni Fernando

Pinulong ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang mga mamamahayag nitong Miyerkules kasabay ng panawagan nito na tulungan ang pamahalaang panlalawigan sa laban nito kontra Coronavirus disease o COVID-19.

Hiling ng gobernador sa mga lehitimong media practitioner na nakabase sa Bulacan ang kooperasyon ng mga ito na mapalawig ang kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa nakamamatay na virus sa pamamagitan ng pagbigay-alam sa Provincial Task Force (PTF) on Covid-19 Response ang mga nasasagap nitong impormasyon hinggil sa mga lumalabag sa itinakdang mga health protocols ng  Inter-Agency Task Force (IATF) ng pamahalaang nasyunal.

Kabilang na rito ang inilabas na Executive Order No. 2 ni Gov. Fernando na inaatasan ang mga group organizers na humingi muna ng pahintulot o permiso sa Bulacan PTF on COVID-19 Response na mismong pinamumunuan ng gobernador kung magsasagawa ng mass gathering.
Sinabihan ng gobernador ang mga mamamahayag na isumbong sa kinauukulan kung mayroon silang nakitang nagsasagawa ng mass gathering na tahasang lumalabag sa health protocols kung saan maaari rin nila umanong sitahin ang mga ito.

Ayon pa kay Fernando, bilang mga mamamahayag at kabilang sa mga frontliners at public servants ay kailangang magkaroon ang mga ito ng partisipasyon sa gobyerno kasama na rin ang mga sibilyan sa pamamagitan ng pagiging mapagbantay para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 sa lalawigan.“Hindi po tayo dapat na kumampante.

Kasabay ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID sa ating lalawigan, ilang lugar dito sa ating bansa ay nakararanas ng muling pagtaas ng kaso lalo na matapos ang panahon ng Kapaskuhan. Upang maiwasan ang ganitong sitwasyon, hinihiling ko po ang mahigpit na pagsunod nating lahat, at kooperasyon ng bawat isa,” ayon kay Fernando.

Nanawagan din ang gobernador sa mga kapawa nito lingkod publiko sa lalawigan na iwasan muna ang pamumulitika ngayong panahon ng pandemiya. Giit nito na magtrabaho muna para sa bayan at isang-tabi muna ang usaping pulitika.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews