Umabot sa kabuuang P669,285 at 1,300 packs ng relief goods ang inihandog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ginanap na turn over ceremony sa New NDRRMC Building, Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City nitong Martes ng umaga.
Tinanggap ni Undersecretary Ricardo Jalad ng NDRRMC ang mga seremonyal na tseke na nagkakahalaga ng P500,000 mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at P169,258 na nakolekta mula sa donation drive na tinawag na “Tulong Bulakenyo para sa Nasalanta ng Bagyo” mula Nobyembre 9, 2020 hanggang Enero 11, 2021; food packs na naglalaman ng apat na kilo ng bigas, limang iba-ibang de lata, at apat na magkakaibang produkto tulad ng noodles, cereals at kape; 11 packs ng bagong jacket; 395 kahon ng 500ml na distilled water; 31 kahon at dalawang sako ng 350ml na tubig; at 41 gallon ng 7-litrong distilled water.
Sa kabila ng pagiging apektado rin ng mga nagdaang bagyo, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman at Gob. Daniel R. Fernando na nag-aalab ang pagbabayanihan ng mga Bulakenyo para sa kanilang mga kapwa Pilipino.
“Ito pong mga tulong na inihatid natin sa ating mga kababayan sa Albay ay hindi mula lamang sa Pamahalaang Panlalawigan. Ito po ay pinagsama-samang tulong ng mga Bulakenyo na nagmamalasakit sa ating mga kapatid sa Albay. Tanggapin ninyo po ito kalakip ang aming mga panalangin na sama-sama tayong babangon mula sa unos na pinagdaan at patuloy nating pinagdadaanan sa ngayon,” anang gobernador.
Pinasalamatan rin niya ang mga Bulakenyong indibidwal, grupo at asosasyon na nagbigay ng donasyon sa kabila ng kani-kanilang pagsubok at pangangailangan dahil sa kasalukuyang pandemya.
Ani Fernando, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes upang magbigay ng kaparehong halaga ng tulong para sa kanilang mga nasasakupan.
Pinangunahan ang PGB Team na nagdala ng donasyon sa NDRRMC ni Bokal Alexis Castro, pinuno ng PDRRMO Felicisima Mungcal, at mga tauhan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan mula sa PDRRMO, Provincial Treasurer’s Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Public Affairs Office, at Provincial General Services Office.