Inihayag kahapon ni Bulacan Governor Daniel Fernando na nakatakdang magsagawa ng pagsisiyasat ang mga foreign engineers sa Bustos Dam kaugnay ng isasagawang rehabilitation dito makaraang mag-collapse ang isa sa anim na rubber gates nito dahilan para papalitan lahat ng gobernador.
Ayon sa gobernador, nito lamang nakaraang linggo ay lumabas na ang resulta galing Australia ng isinagawang pagsusuri sa ginamit na materyales ng rubber gate kung saan lumabas na bumagsak ito sa elongation test.
Dahil dito, kinatigan ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Ricardo Visaya ang hiling at apela ni Fernando na mapalitan lahat ang anim na rubber gates ng Bustos Dam dahilan kung kaya’t tatlong Chinese Engineers ang personal na bibisita at susuriin sa mga susunod na araw ang mga naturang rubber gates.
Gusto ng gobernador na matiyak ang kaligtasan ng mamamayang Bulakenyo kung kayat minamadali nito ang rehabilitasyon at replacement ng mga nabanggit na rubber gates kung saan patuloy umanong tinututukan ng provincial government ang nasabing rehabilitasyon.
“Ginagawang lahat ng lokal na pamahalaan ng nasabing lalawigan ang mas makabubuting paraan upang mapanatiling maayos at ligtas sa taumbayan ang Bustos Dam,” ayon kay Fernando.
Magugunita na nitong nakaraang Mayo 2020 ay nag-collapse o nasira ang Rubber Gate Bay 5 kung saan dalawang taon pa lamang nang ito ay sumailalim sa rehabilitasyon na dapat ay 20 taon pa bago ito dapat bumigay.
Dahil dito ay agad na ipinatawag ni Fernando ang mga taga-NIA at ang kontratista na si Isidro Pajarillaga of ITP Construction Inc.-Guangxi Hydro Electric Construction Bureau Co. LTD. (GHCB) Consortium at ipinasuri ang nasirang China-made rubber gate.
Bagamat mayroon nang resulta at bumagsak nga sa itinakdang panuntunan ng kalidad ng materyales ay personal pa rin itong susuriin ng mga Chinese engineers sa kabila ng napagkasunduang papalitan nang lahat ang mga rubber gates.
Ang pagkasira umano ng nasabing rubber gate ay sanhi umano ng mababang kalidad ng materyales na ginamit ng kontratista kung saan ay nasira agad sa loob ng dalawang taon na base sa kontrata ay dapat tumagal ng mahigit 20 taon.
“We will never take for granted the inferior quality materials used in the rehabilitation of the dam. Immediate replacement is needed here,” ayon sa gobernador.
Ang nasabing Bustos Dam rehabilitation works ay nai-bid noong 3rd quarter ng 2016 na nagkakahalaga ng P1 Billion kbilang na dito ang pag-kongkreto ng mga main canals.