Bulacan, naghanda ng vaccination plan para sa mga Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Bago ang pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines, ibinahagi ni Gob. Daniel Fernando ang pangkalahatang vaccination plan ng Lalawigan ng Bulacan sa isang virtual press briefing sa pamamagitan ng Zoom application sa pangunguna ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, Jr. kamakailan.

Sa kanyang presentasyon sa pagpupulong, sinabi ni Fernando na nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng microplanning sa local government units (LGU) at provincial level para sa paglalaan ng bakuna at upang magkaroon ng mas epektibo at mas mahusay na implementasyon ng plano sa pagbabakuna kung saan ang mga frontliner at health worker mula sa mga pribado at pampublikong pasilidad sa Bulacan ang prayoridad na makatatanggap ng bakuna kasama ang mga barangay health emergency response team (BHERT); mga senior citizen; indigent population; at uniformed personnel.

Samantala, may kabuuang 833 frontliners at health workers mula sa Bulacan Medical Center (BMC) ang unang grupo na mababakunahan.

Bukod pa dito, nakatalaga na rin ang mga vaccination team kung saan ang The Pavillion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center ang siyang magsisilbing main vaccination center sa lalawigan.

Tinalakay rin ni Fernando ang vaccine risk communication plan na naglalayong magbigay kaalaman at hikayatin ang mga tao tungkol sa pagbabakuna at tulungan silang maunawaan ang benepisyong maidudulot nito.

“Patuloy din ang pagsasagawa ng mga communication campaigns at pamimigay ng IECs tungkol sa mga vaccines at hopefully, mapataas natin ang bilang ng mga taong magpapabakuna dahil sa totoo lang po, marami pong mga katanungan ang ating mga kababayan at kinakailangan natin sila mabigyan ng impormasyon tungkol diyan; at malalim pong impormasyon ang kailangan nating ihanda para dito. Lalo na po yung mga napapabalita na tungkol sa nangyari sa Pfizer,” anang gobernador.

Nakiusap rin siya para sa suporta ng pamahalaang nasyunal na tulungan ang lalawigan na magkaroon ng sapat na bilang ng mga bakuna para sa mga Bulakenyo.

“Ako po, kasama ang mga LGU ng lalawigan ay umaasa na ang DOH o ang national government ang siyang magbibigay sa amin ng mas malaking bahagi ng aming mga kakailanganing vaccines. Napakalaking bagay po na ang national government ay susuporta sa Lalawigan ng Bulacan upang mas mapalawak ang aming implementasyon,” aniya.

Nakatakdang magsagawa ng simulation exercise ang Pamahalaang Panlalawigan sa darating na Biyernes upang masubok ang kahandaan ng lalawigan sa oras na dumating na ang mga bakuna.

Magmumula ang mga bakuna sa mga drugmaker na Pfizer-BioNtech at AstraZeneca sa ilalim ng isang kasunduan kasama ang COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) Facility.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews