KINASUHAN ng pangalawang punong lungsod ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman ang kaniyang pitong city councilors sa Lungsod ng Malolos ng kasong Gross Neglect of Duty kaugnay ng umanoy sunod-sunod na pag-absent sa Sangguniang Panglungsod sa mga nakalipas na pagdaraos ng karaniwang pagpupulong.
Ang kasong administratibo ay pormal na isinampa nitong Huwebes ni Vice Mayor Noel Pineda laban sa pitong city councilors na sina Nino Carlo Bautista, Francisco Castro, KIrk Louis Nicolas, Enrico Capule, Edgardo Domingo, Miguel Carlos Soto at Dionisio Mendoza.
Ayon kay Pineda, ang pagsampa ng kasong administratibo o Gross Neglect of Duty ay nag-ugat matapos ang aniyay sunod-sunod na pagliban o pag-absent ng mga nabanggit na konsehal sa karaniwang pagpupulong o session sa Sangguniang Panglungsod ng Malolos.
Ikinalungkot ng pangalawang punong lungsod at taga-pangulo ng Sangguniang Panglungsod ang pagsampa ng kasong administratibo subalit nakasalalay at kailangang unahin umano ang kapakanan at ang pangangailangan ng taumbayan kung hindi mareresolbahan ang kinahaharap na suliranin sa loob ng legislative office.
Sa isinagawang press briefing sa mga lokal na mamamahayag, sinabi ni Pineda na simula sa ika-81 hanggang Ika-84 na regular session ay hindi umano nagkaroon ng korum o opisyal na pagpupulong.
Aniya, dahil sa kawalan ng korum ay nabibinbin ang ilang mga mahahalagang gampanin ng Sangguniang Panglungsod na idinudulog ng Punong Lungsod katulad ng mga certified urgent ng mga taumbayan, mga budget na nakabinbin sa mga barangay, mga pondo at proyekto ng Sangguniang Kabataan (SK) na hindi naa-aaprubahan.
“Mahalaga po na magkaroon ng aksyon ang inyong lingkod sa mga bagay na ito, nakakalungkot man gawin ay hinihingi ng pagkakataon at ng aking tungkulin na maibalik ang kaayusan para sa pagpupulong at karaniwang pagdaraos ng regular session ng SP,” ayon kay Pineda.
Nais nito kung kayat siya umano ay napilitan kasuhan ang pitong konsehales ay upang matigil na ang pag-absent ng walang proper notice at walang tamang paliwanag at mahalagang makabalik na ang mga kasangguni sa kanilang tungkulin para magampanan at maharap ang pangangailangan ng taumbayan.
Ayon pa kay Pineda, ang usaping ito ay isasangguni niya sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang magamit ang kapangyarihan na sila ay ipasundo sa pulis sa ilalim ng local government code para manumbalik ang kaayusan ng pagpupulong.
Giit ni Pineda na pinoprotektahan lamang niya ang integridad ng Sangguniang Panglungsod na isang mabuting institusyon kung saan ang mga kinasuhan ay nabibilang dito na hindi dapat masira.
Pahayag naman ng panig ng respondents base sa kanilang facebook post, peke umano ang isinagawang mga regular session nitong nakaraang mga linggo dahil sa umanoy bagong internal rules na pinagtibay sa ilalim ng City Resolution No. 7-2021 kung kaya’t hindi dumadalo sa nasabing karaniwang pagpupulong ang pito tuwing Lunes.