Pulilan handa na sa pagbabakuna kontra COVID-19

PINALAWIG ng pamahalaang lokal ng Pulilan, Bulacan ang kanilang kampanya kontra sa Covid-19 kung saan inilatag nito ang mga plano sa pagbabakuna sa ginanap na Integrated Aggressive COVID-19 Action Plan (I-ACAP):  Oplan: Bayanihan ng Bakuna sa Bulacan Laban sa Covid-19 nitong Miyerkules sa St. Dominic Academy sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan. 

Inilatag sa pangunguna ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo katuwang ang Municipal Health Office (MHO) kasama ang mga  municipal department heads ang kanilang vaccination program sakaling dumating na ang bakuna. 

Pangunahing agenda sa naturang programa ay presentasyon ng kanilang vaccine roll-out system na may temang “Sama-sama, Akap-ACAP… Labanan ang Covid-19″ na sinabayan din ng simulation exercise sa pagbabakuna.

Nagkaroon din maikling dialogue at forum kasama ang mga local media at mga representante mula sa ibat-ibang pribadong sektor na dinaluhan nina Gov. Daniel Fernando,  Vice Gov. Willy Sy-Alvarado, Mayors League president Mayor Ambrosio Cruz Jr. ng Guiguinto at Malolos City Mayor Bebong Gatchalian na nagbahagi rin ng kanilang suporta at mga hakbangin sa kani-kanilang mga nasasakupan. 

“Importante na maunawaan at maiintindihan ng taumbayan ang kahalagahan ng bakuna kung kaya naman ginagawa natin ang aktibidad na ito at nang hindi sila maligaw at mahirapan sa araw ng bakuna,” ayon kay Ochoa-Montejo.

Pinapurihan naman ni Fernando si Mayor Ochoa-Montejo sa kaniyang inisyatibo at dedikasyong harapin at labanan ang umiiral na health crisis. 
Maging ang provincial government ayon kay Fernando ay handa na rin sa pagpapatupad ng pagbabakuna at nagsasagawa na rin ng mga makabuluhan at agresibong hakbangin para labanan ang Covid-19.

Pahayag ng gobernador, nakatakdang dumating sa Linggo ang 926 bakuna na gagamitin para sa mga frontliners sa Bulacan.Nagkaroon din ng signing of a memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor na kasama sa I_ACAP program kabilang na rito ang mga paaralan, ospital at mga food manufacturing plant na naka-base sa Pulilan para siyang gawing lokasyon o vaccination center at cold storage facilities.

Nagpapasalamat din ang alkalde sa mga katuwang na pribadong sektor sa nasabing programa lalo na sa mga may-ari ng mga gagamiting storage facilities dahil sa pagpapahiram nito ng libre.

Nagtapos ang programa sa isinagawang simulation exercise sa pagbabakuna mula sa Step 1 hanggang sa huling bahagi ng vaccination na pinangunahan nina Ochoa-Montejo at Dr. Wilbert Eleria, municipal health officer.

Napagalaman na nitong January 14, ang pamahalaang lokal ng Pulilan, ang Department of Health (DOH) at National Task Force Against Covid-19 ay lumagda sa isang tripartite agreement upang makakuha ng 80,000 AstraZeneca vaccine doses para sa 65 percent ng 118,000 populasyon ng nasabing bayan. 

Kaugnay nito, sinabi ni Ochoa-Montejo na ongoing ang online pre-registration para sa magpapabakuna at ito ay makikita sa website na  momcares.pulilan.gov.ph kung saan ay umabot na sa 3,000 Pulilenyos ang nakapagparehistro sa ngayon.

Dagdag pa ng alkalde na ang mga magpapabakuna ay magkakaroon ng  Pulilan Protect QR Code na siya nilang dadalhin sa araw ng bakuna upang mas madali ang isasagawang proseso at ito aniya ay makukuha nila sa barangay hall o sa municipal health office.

Target ng lokal na pamahalaan ang 3,000 katao ang mabakunahan araw-araw na tatagal ng 13 hanggang 15 araw na inaasahang masisimulan sa darating na buwan ng July.

Base sa report ng MHO, as of Tuesday, nakapagtala na ng 401 confirmed covid cases ang bayan ng Pulilan at 366 dito ay recovered, 25 ang active cases habang umabot na sa 10 ang nasawi.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews