Bagong women’s group binuo sa Hermosa

Pormal nang ininlunsad ang isang grupo ng kababaihan sa Barangay Sumalo, Hermosa , Bataan kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day.

Ito ay ang KABISIGKA Sumalo o ang Kababaihang Bisig ng Kaunlaran ng Sumalo na pinamumunuan ng Tagapangulo nito na si Alona Afable, Janice Carbonell bilang Pangalawang Tagapangulo, Janice Manalili bilang Kalihim, Rufina Lingad bilang Ingats Yaman, at Merlin Rabano bilang Tagasuri.

Nagtalaga rin ang grupo ng mga Purok Lider para sa anim na purok ng nabanggit na Barangay.

Ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan (International Women’s Day (IWD), dating tinatawag na International Working Women’s Day, ay taunang pagdiriwang tuwing ika-8 ng Marso. Ginugunita nito ang mga pagpupunyagi para sa karapatan ng mga kababaihan.

Ang vision ng KABISIGKA Sumalo ay magkaroon ng isang maunlad na komunidad ng mga kababaihan at mamamayang   may pagkakaisa’t pagtutulungan, may sapat na kabuhayan, may sapat na kaalaman at kakayahan na huhubog sa disiplinadong pamayanan na may malinis na kapaligiran, malusog, mapayapa, may makatarungang pamamalakad, at may pantay pantay na karapatan para sa lahat.

Ayon kay Afable, bago pa man nabuo ang kanilang grupo ay nasubok na aniya nila ang lakas at tibay ng kanilang pagkakaisa nang magtagumpay sila sa isang matinding laban sa Sangguniang Bayan ng Hermosa. 

Ito ay nang katigan ng Pamahalaang Bayan ang kanilang reklamo laban sa anila ay imoral at hindi  tamang pamamalakad ng kanilang Punong Barangay na nasuspindi ng limang buwan nang walang bayad, sang-ayon sa makatarungang hatol ng SB Hermosa.

Bago ang pormal na paglulunsad ng binuong grupo ay isang maikling lecture ang pinangunahan ng Women and Children Desk Officers ng Hermosa PNP na nagpaliwanag ng mga batas at karapatan ng mga kababaihan na ipinaiiral sa ating bansa.

Samantala, nagpahayag din ng suporta sa samahang ito ang ilang kilalang organisasyon kagaya ng Kabalikat, Pulang Lawin, Kabapa at AMMMA Katipunan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews