Kabataan ng Palayan, pinayuhang maging mapanuri sa nababalitaan

LUNGSOD NG PALAYAN — Pinapayuhan ng Sangguniang Kabataan o SK ng lungsod ng Palayan ang mga kabataan na maging mapanuri sa mga impormasyong pagkakatiwalaan.

Sa panayam sa programang Network Briefing News, sinabi ni Palayan City SK Federation President Catalino Rullan na huwag agad maniniwala sa mga nababalitaan sa social media lalo na’t madali lamang gumawa ng mga fake account upang magpakalat ng mga maling impormasyon. 

Mahalaga aniyang maging tiyak sa mga inilalathalang mga balita o pahayag sa social media. 

Pahayag ni Rullan, siya bilang isang youth leader ay dapat maging huwaran o maipakita sa mga kapwa kabataan na hindi agad nagpapaniwala sa mga maling impormasyon.

Kanyang inihalimbawa rito ang mga usapin patungkol sa epekto ng pagbabakuna kontra COVID-19 na nakapagdudulot ng pangamba o takot sa ilang mamamayan.

Paglilinaw ni Rullan, sa suporta at inisyatibo ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Adrianne Mae Cuevas ay ipinaaalam sa mga nasasakupang mamamayan ang proseso, kahalagahan at kaligtasan sa pagtanggap ng bakuna. 

Sa pagkakaroon ng bakuna ay malalabanan ang pagkalat ng COVID-19 at malalang epekto nito sa kalusugan.

Kanyang panawagan sa mga kabataan ay maging maalam sa mga nagaganap sa paligid sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga programa ng pamahalaan gayundin ay huwag katakutan ang pagbabakuna kontra COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews