Medical frontliners sa iba pang ospital sa Bataan nabakunahan ng 1st dose ng AstraZeneca

BATAAN CAPITOL — Sinimulan nitong Lunes, March 15 ang pagbabakuna sa mga medical frontliners ng iba pang ospital sa Bataan.

Kabilang sa mga tumanggap ng unang dose ng AstraZeneca vaccine ang mga healthcare workers ng Centro Medico de Santisimo Rosario, Bataan St. Joseph Hospital & Medical Center, Bataan Doctors Hospital and Medical Center, Mariveles Mental Wellness and General Hospital at Bataan Treatment and Rehabilitation Center.

Nitong nagdaang Lunes, Marso 8, unang nabakunahan ang mga medical frontliners ng Bataan General Hospital and Medical Center ng Sinovac vaccine.

Sinabi ni Bataan Governor Albert Garcia, ang Bataan People’s Center ang nagsisilbing centralized vaccination facility ng lalawigan habang patuloy na sinusunod ang pagbabakuna sa mga priority groups na itinakda ng Department of Health o DOH.

Dagdag pa ni Gov. Garcia, kasalukuyang humahanap din ng ibang lugar o gusali lalo na sa mga bayang may mas mataas na populasyon upang mas maging maginhawa ang gagawing general roll-out sa sandaling dumating ang mga bakunang padala ng pambansang pamahalaan.

Dumating nitong Marso 9 ang unang batch ng AstraZeneca vaccines sa lalawigan na 1,420 doses kasunod ang 1,390 doses naman nitong Marso 12.

As of March 12, umabot na sa 1,452 ang nabakunahan sa Bataan habang nasa 3,227 doses ng vaccines ang naideliver na sa lalawigan .

Sa kabila ng isinasagawang pagbabakuna sa mga medical frontliners ng mga ospital, patuloy pa rin ang paalala ng Gobernador alinsunod sa DOH na panatilihin ang pagsunod sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields, paghuhugas ng kamay at physical distancing. |MHIKE CIGARAL

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews