Pagbabantay sa COVID-19, mas pinaigting sa Bulacan
Mas pinaiigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagmamatyag at pagsubaybay sa tumataas ngayong kaso ng COVID-19 sa sa bansa partikular na iyong mga nangagaling sa Metro Manila.
Nitong Lunes ng gabi ay naglabas ng panibagong direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando partikular na sa kapulisan na mahigpit na ipatupad ang mga minimum health protocol gayundin ang curfew upang matiyak na hindi magkakaroon ng hawahan o pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Ayon kay Atty Jayric Amil, Chief of Staff ni Fernando, inatasan ng gobernador si Bulacan Police provincial director Lawrence Cajipe na disiplinahin mismo nito ang kaniyang kapulisan sa pagpapatupad ng health protocol.
Nabatid na mismong si Gob Fernando ay napapansin ang kaluwagan ng kapulisan at ng mga barangay officials sa pagpapatupad ng health protocol kung saan hindi na alintana ng mga Bulakenyo ang nagbabantang pagtaas ng kaso ng nasabing virus.
Ayon kay Amil, mahigpit ang utos ng gobernador kay Cajipe at sa mga presidente ng Association of Barangay Captains sa mga bayan-bayan na huwag magpabaya sa kanilang tungkulin at arestuhin ang mga indibiduwal na lalabag.
Naalarma si Fernando nang makapagtala ng mataas na bilang ng kaso ng Covid sa lalawigan kung saan nitong Lunes ay pumalo na sa 1,104 ang aktibong kaso sa Bulacan mula sa 895 kaso lamang sa nakaraang tatlong araw.
Kasama sa derektiba ng gobernador ay ang paghihigpit sa mga checkpoint ng borders ng probinsiya partikular na sa mga labas-pasok sa Metro Manila.
Sitahin at kung kinakailangan ay arestuhin ang mga lalabag sa mga pinag-uutos ng IATF at DOH, utos ni Fernando.
Maging ang mga inatasang kapulisan at barangay officials na hindi susunod sa derektiba ay binalaan ni Fernando na kaniyang kakastiguhin.
Bilang bahagi ng pagpapaigting ng paglaban sa nasabing sakit, mas hihigpitan at magpapatuloy ang pagsasagawa ng mga selective lockdown sa mga sitio sa barangay na may matataas ang kaso.
Nilinaw naman ng pamahalaang panlalawigan na walang naitalang kaso ng hawahan o community transmission ng United Kingdom (UK) at South African variant ng COVID-19 sa anumang mga barangay sa Bulacan.
Samantala, bahagyang pinaralisa ng Kapitolyo ng Bulacan ang ilang transaksyon dito nang pansamantalang isara ang kapitolyo nitong Martes ng tanghali para isailalim sa disinfection.
Nabatid na biglang naghigpit at hindi nagpapasok ang mga security guard ng kapitolyo sa mga sibilyan bandang alas-12:00 ng tanghali maliban sa mga mayroong mahalagang transaksyon lalo na sa mga magbabayad ng buwis.
Hindi naman pinauwi ang mga empleyado bagamat nagpatuloy ang temporary closure ng kapitolyo.
Ayon kay Atty. Amil, magsasagawa lamang ng disinfection sa nasabing gusali at bubuksan muli sa publiko sa bandang hapon.
Ayon sa isang reliable source, tatlong umanong capitol security guard ang nagpositibo sa Covid-19 kung kaya’t magdi-disinfect sa naturang gusali.