Isinusulong ni Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman ang House Bill 5732 o ang Genuine Agricultural Cooperatives Reforms Act.
Ito ay upang bigyang lakas aniya ang mga pang-agrikulturang kooperatiba na magpapalakas sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Base sa datos ng Cooperative Statistics 2018 Report, mayroong 18,065 na aktibong kooperatiba sa bansa na may humigit-kumulang na Php 430 bilyong halaga ng mga assets. Gayunpaman, nasa 1,392 kooperatiba (7.7%) lamang ang nakapaloob sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Congresswoman Roman, ito ay nakakadismaya dahil ang bansang Pilipinas ay isang agricultural economy.
“Ito ang dahilan kung bakit ko isinusulong ang HB 5732 upang bigyang lakas ang mga pang-agrikulturang kooperatiba na magpapalakas sa sektor ng agrikultura,” pahayag ni Rep. Roman.
Nakasaad sa naturang panukalang batas ang pagtatatag ng isang sangay ng pamahalaan na may sariling pondo na tututok sa mga pangangailangan ng mga pang-agrikulturang kooperatiba; mapadali at mapahusay ang mga kinakailangan at proseso ng pagpaparehistro para sa agricultural cooperatives.
Kabilang din dito ang magbigay ng higit na mga benepisyo at insentibo sa mga Kooperatiba sa Pang-agrikultura; at bigyan ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) ng higit na partisipasyon sa pagpaparehistro, pagsasanay, at pagpapaunlad ng mga agricultural cooperatives.