LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipinanawagan ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang kooperasyon ng lahat sa ipinatutupad na mga karagdagang polisya kontra sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Myca Elizabeth Vergara, nakababahala ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa siyudad kung kaya’t minabuti ng lokal na pamahalaang magkaroon ng mga karagdagang panuntunan na ipatutupad hanggang sa ika-apat ng Abril taong kasalukuyan.
Aniya, ang dalawang linggong ito ay hindi lockdown period dahil kinakailangang magpatuloy pa din sa paghahanapbuhay ang mga mamamayan upang may panggastos sa pang-araw araw na pamumuhay.
Pahayag ng alkalde, ginagawa ng tanggapang ang lahat upang mapababa ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa siyudad ngunit mawawalang bisa ang lahat ng pagod at inisyatibo ng pamahalaan kung wala ang kooperasyon at tulong ng mga mamamayan.
Kaniyang patuloy na paalala, kung wala namang mahalagang lalakarin ay huwag nang lumabas ng tahanan at kung hindi maiiwasang umalis ng bahay ay tiyaking nasusunod ang mga minimum health standards na pagsusuot ng face mask at face shield gayundin ang pagsasagawa ng social distancing.
Ilan sa mga nakapaloob sa Executive Order No. 010-2021 sa lungsod ng Cabanatuan ay ang pagbabawal na lumabas sa mga kabataang nasa edad 18 pababa at ang mga senior citizen na edad 65 pataas.
Kabilang din sa mga ipinagbabawal ay ang pagdaraos ng mga pagtitipon o face to face meetings kasama na ang mga pagtitipon sa mga pagsamba o kapilya.
Ang mga okasyong kagaya ng binyag, kasal o libing ay papayagan ngunit hanggang sa 10 katao lamang ang dadalo.
Mananatili namang 50 porsyento ang operational capacity ng mga essential at non-essential services na mga nagnenegosyo sa siyudad gayundin ang pagtanggap ng mga kliyente ng mga dine-in restaurants at personal care services.
Nakapaloob din sa nasabing kautusan ang pansamantalang suspensiyon ng mga driving schools, traditional cinemas, game arcades, libraries, archives, museums at cultural centers, cockfighting and cockpit operations sa siyudad.
Kaugnay naman sa madaling pagtatala ng mga may sakit ng COVID-19 ay kinakailangang makipag-ugnayan ang mga pribadong laboratory o mga ospital na nagsasagawa ng antigen at RT-PCR test sa City Health Office para sa mga naiuulat ng mga nagkakasakit na pasyente.
Ang lahat naman ng mga magsisiuwi o tutungo sa lungsod ng Cabanatuan na hindi kabilang sa APOR o Authorized Persons Outside Residence ay kinakailangang may maipresentang medical clearance certificate na mula sa mga lokal na pamahalaang panggagalingan at antigen test negative result na isinagawa dalawang araw bago pumasok sa siyudad.
Maaaring isumbong ang mga lalabag sa mga kautusan mula sa mga hotline na 09178511320 at 09088811010 o kaya ay magpadala ng mensahe sa opisyal na social media account ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan.
Samantala, isasara ang City Hall nang dalawang araw simula bukas, ika-25 ng Marso upang bigyang daan ang patuloy na pagsasagawa ng antigen testing sa lahat ng mga kawani at ang disinfection sa punong tanggapan dahil sa mga naiulat na nagkasakit na empleyado.
Ang mga bukas lamang na tanggapan ng City Hall ay ang City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Social Welfare and Development, City Health Office, at Manuel V. Gallego Cabanatuan City General Hospital upang patuloy na magbigay serbisyo sa mga nangangailangang mamamayan.
Batay sa datos ng pamahalaang lungsod noong March 22 ay nasa 59 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa siyudad na kung saan ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit ay tumungtong na sa 747.