17,728 frontline workers sa Bulacan nakumpleto ang unang dose ng vaccine

Nakumpleto na ang unang dose ng bakuna sa 17,728 na mga frontline workers kontra COVID-19 na nasa Priority Group A1 sang-ayon sa resolusyon na iniharap ng Interim National Immunization Technical Advisory Group (iNITAG) at DOH Technical Advisory Group (DOH-TAG) mula ng simulan ang programa noong Marso 8, 2021.

Nitong Lunes, nakapagbigay na ng 85.03% mula sa kabuuang alokasyon na katumbas ng 20,849 na unang dose, kung saan 2,419 ay Sinovac at 18,430 ang AstraZeneca.

Pinaalalahanan ni Gob. Daniel R. Fernando ang publiko na habang sinusunod ng Pamahalaang Panlalawigan ang aprubadong listahan ng National COVID-19 Vaccine Deployment Plan, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang masiguro na lahat ng Bulakenyo ay mababakunahan laban sa nakakamatay na sakit.

“Just when we finally started to vaccinate against COVD-19, medyo makakahinga na sana tayo, tsaka naman dumating ‘yung mga bagong variant, kaya naman hindi talaga tayo pwedeng kumampante. Nakakatuwa na unti-unti nababakunahan na ang mga healthcare workers natin at sa awa ng Diyos matatapos din tayong bakunahan lahat, dahil ito naman talaga ay para sa lahat, hindi pwedeng may maiwan,” ani Fernando.

Base sa listahan ng prayoridad ng pagbabakuna, kabilang sa priority eligible group A ang frontline health workers, mahihirap na senior citizen, iba pang senior citizens, iba pang mahihirap na populasyon, at uniformed personnel; habang nasa group B ang mga guro at social workers, iba pang empleyado ng pamahalaan, iba pang manggagawa, socio-demographic na mga manggagawa at mga higit na mataas ang risk maliban sa mahihirap na senior citizens at populasyon, OFWs, at iba pang mga manggagawa; at Group C para sa mga natitira pang Pilipino.

Ayon sa daily operational report mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nitong Marso 28, 2021, may kabuuang bilang na 17,103 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bulacan, walang naitalang probable suspected na mga kaso habang 13,672 ang gumaling, nasa 512 naman ang nasawi.

Samantala, ayon sa World Health Organization, nagtala ang Pilipinas ng 712,442 na mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, 13,159 ang namatay nitong Marso 28, 2021 at sa tala naman noong Marso 19, 2021, nasa 292,667 na ang doses ng bakunang naibigay.

Kasalukuyang nasa ilalim ng isang linggong enhanced community quarantine ang Bulacan kasama ang iba pang nasa NCR plus bubble kabilang ang Metro Manila, Cavite, Laguna, at Rizal

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews