Nagsimula nang mamahagi ng food pack assistance o ayuda ang lokal na pamahalaan ng Pandi, Bulacan nitong Martes para sa bawat pamilyang Pandienyo na apektado ng re-implementation ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng lumalaking bilang ng kaso ng Coronavirus Disease (Covid-19).
Aabot sa 44,044 pamilyang Pandienyo mula sa 22 barangay dito ang tatanggap ng nasabing food pack na naglalaman ng 3 kilong bigas, delata, noodles at mongo beans.
Personal na inihatid ni Mayor Enrico Roque at pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda na kung saan ay mula sa pondo ng munisipyo at ang iba ay galing naman sa pondo ng barangay.
Ayon kay Roque, ito na umano ang ika-10th wave ng food pack distribution sa bayan ng Pandi simula pa nitong nakaraang taon nang isailalim sa ECQ ang maraming bahagi ng bansa dulot ng Covid-19.
Ang nasabing distribusyon ay pinangasiwaan mismo ng alkalde kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, municipal head departments, Association of Barangay Captains at iba pang mga volunteers na inasistihan ng Pandi police personnel.
Ang unang batch o mga recipients ng naturang ayuda ay mula sa mga barangay ng Bagong Barrio, Cacarong Bata, Real De Cacarong, Cacarong Matanda, Cupang at Bagbaguin.
Magugunita na ang Pamahalaang Lokal ng Pandi ang kauna-unahang nagpasimula ng tinatawag na “silya-style” relief distribution na sinundan at ginaya ng iba ring mga local municipalities hindi lamang sa lalawigan ng Bulacan kundi maging sa iba pang mgaprobinsiya gayundin sa Metro Manila.
Sa nasabing silya-style ay paglalagay ng silya sa labas ng bawat tahanan kung saan dito ilalagay ang mga ayuda na walang magaganap na close contact bilang pagtalima sa social distancing alinsunod sa standard health protocol bilang bahagi ng pag-iwas sa pagkakaroon ng hawahan at pagkalat ng virus.
Ang bayan din ng Pandi sa lalawigan ng Bulacan ang tanging nakapagbigay ng hanggang 10 beses na relief distribution mula nang mag-pandemiya.
“Hindi n’yo naman po kailangang magpasalamat dahil tungkulin ko ito bilang Ama ng Bayang ito, tungkulin ko na pangalagaan kayo. Gayunpaman, maraming salamat po sa inyong pag-appreciate,” ayon kay Roque.
Kaugnay ng pamamahagi ng relief goods, mahigpit at striktong namang ipinatupad ang standard health protocol.