LUNGSOD NG CABANATUAN — Nasa 1.1 milyong pisong halaga na mga makinarya ang tinanggap ng mga kooperatiba sa Nueva Ecija mula sa Department of Trade and Industry o DTI.
Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director Brigida Pili, ang mga kagamitang ito ay mula sa programang Shared Service Facility o SSF na layong mapaunlad ang produksyon ng mga gawang produkto sa mga lokalidad.
Mula Enero hanggang sa kasalukuyan ay apat na mga samahan ang nabiyayaan ng mga kagamitan gaya ang Association of Green Economic Development mula sa lungsod agham ng Muñoz na nakatanggap ng tig-isang yunit ng mechanical dehydrator at moisture meter na nagkakahalagang 325 libong piso.
Ipinagkaloob din sa SIPAG Multi-Purpose Cooperative mula sa bayan ng Aliaga ang nasa 616 libong pisong halaga na mga makinarya na kinapapalooban ng 28 pirasong speed straight sewing machine at dalawang yunit ng high speed overclock edging machines para sa kanilang Gifts, Housewares and Decors Making.
Kasama din sa mga nabiyayaan ng SSF Project ng DTI ngayong unang bahagi ng taon ay ang mga maggagatas sa bayan ng Bongabon na nabigyan ng dalawang yunit ng chest type freezer at tatlong showcase chiller na ang kabuuang presyo ay humigit kumulang 130 libong piso.
Umagapay din ang DTI sa mga magtitinapa sa bayan ng San Leonardo na nakatanggap ng vaccum sealer na nagkakahalagang 80 libong piso.
Maliban sa naunang apat na kooperatiba ay nakalinya ding ilunsad ng DTI ang iba pang SSF project sa mga susunod na buwan partikular ang para sa Bamboo Processing ng 7th Infantry Division o 7ID Headquarters and Headquarters Service Battalion Multi-Purpose Cooperative sa Fort Magsaysay at D’ Sustainable Planet, Inc. sa bayan ng Carranglan.
Tatanggapin ng mga kasundaluhan ng 7ID ang 826 libong halaga na mga makinarya na kinapapalooban ng tig-dalawang yunit ng pole cutter, twin rip saw, treatment vat at isang thickness planner.
Samantala ay nasa 868 libong pisong halaga naman na mga kagamitan ang ibibigay para sa bamboo processing sa Carranglan na magkakaroon ng tatlong pirasong modified kiln carbonizer, tig-dalawang yunit ng electric fruits vegetable dryer, grinder, digital weighing scale at tig-isang yunit na infrared thermometer at dial type weighing scale.