DSWD: Gamitin ang natanggap na ayuda sa pinakakailangan

Binilinan ni Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista ang may 2.9 milyong Bulakenyong benepisyaryo na gastusin lamang sa pinakakailangan ang natanggap na financial assistance.

Sa ginawang inspeksyon ng kalihim sa ginagawang pay-out sa mga bayan ng Plaridel at Santa Maria, binigyang diin niya na hindi naging madali na makahanap nang pondo upang magkaroon ng maibibigay sa mga pamilyang pinakanaapektuhan ng muling pinairal na Enhanced Community Quarantine.

Sinadya ni Bautista ang liblib na barangay ng Lalangan sa bayan ng Plaridel kung saan may 444 na mga pamilya o 1,541 na indibidwal na benepisyaryo. 

Bahagi sila ng may 89,595 mga taga-Plaridel na benepisyaryo ng ayuda na nilaanan ng 89.5 milyong psio ng Department of Budget and Management o DBM.

Pinapurihan naman ng kalihim ang maayos, sistematiko at mabilis na pamamahagi ng ayuda sa barangay Lalangan. 

Ang sistema, ginanap sa gymnasium ng isang paaralan ang verification at isinagawa ang releasing ng pera sa may limang silid-aralan. 

Layunin nitong maipatupad ang minimum health protocols habang nagkakaloob ng tulong.

Sinadya rin ni Bautista ang barangay Lalakhan sa bayan ng Santa Maria na may 417 pamilya o 1,361 benepisyaryo. 

Bahagi sila ng 236,966 na mga benepisyaryo sa nasabing bayan na pangalawang pinakamarami sa buong Bulacan. 

May halagang 236.9 milyong piso ang inilabas ng DBM sa pamahalaangbBayan ng Santa Maria.                     

Isa sa mga benepisyaryo si Angelita Ramirez na 74 taong gulang, isang biyuda na tanging ang isang apo ang kasama sa pamamahay. Ipambibili aniya ng pagkain ang natanggap na dalawang libong piso dahil matagal nang hindi nakakapaghanapbuhay.

Ipambibili naman ni Diane Sulit, 30 taong gulang, ng gatas para sa sanggol na anak ang natanggap na apat na libong piso.  Mayroon siyang tatlong anak at ang asawa ay nagkukumpuni ng mga motorsiklo.

Kaugnay nito, nasa kasagsagan na rin ng pamamahagi ng ayuda sa Guiguinto para sa may 85,789 na mga benepisyaryo gamit ang 85.7 milyong pisong ipinagkaloob ng DBM sa pamahalaang bayan. 

Nilinaw ni Bautista na prayoridad ng ahensya sa pagkakaloob ng ayuda ang mga nasa tinatawag na informal sector gaya ng solo parents, persons with disability, senior citizens, indigenous peoples at iba pang kaugnay nito. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews