Nagsimula na ang pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19 sa mga senior citizens sa bayan ng Talavera sa Nueva Ecija.
Ayon kay Mayor Nerivi Santos-Martinez, unang nabigyan ng bakuna ang mga healthcare workers, frontliners sa lokal na pamahalaan at mga sakop na barangay.
Sa kasalukuyan aniya ay mga senior citizen naman ang binibigyan ng bakunang Sinovac na mula sa Department of Health.
Kaugnay nito ang paghihikayat ng alkalde sa mga nasasakupang mamamayan partikular ang mga senior citizen na magpalista upang makatanggap ng bakuna kontra sa nakahahawang sakit.
Aniya, walang dapat na ikatakot dahil dumaan sa masusing pag-aaral ang mga dumadating na bakuna galing sa nasyonal na pamahalaan na hindi naman magbibigay ng mga bakunang magdudulot ng masama o maraming epekto sa kalusugan nating mamamayan.
Dagdag na pahayag ni Martinez ay magtiwala at isipin ang kaligtasang makukuha mula sa pagtanggap ng bakuna.
Kaniya ding ipinaliwanag na bago mabakunahan ay dumadaan muna sa wastong screening at counseling ang bawat indibidwal na gustong magpabakuna kontra COVID-19 upang ipaalam ang mga maaaring maramdaman matapos bakunahan gaya ang pagsakit ng injection site, pagsakit ng ulo, pagkakaroon ng mababang lagnat na mga mild symptoms lamang at manageable.
Ang mga mamamayang gustong magpabakuna kontra COVID-19 ay maaaring makipag-ugnayan o magpalista sa mga nakasasakop na pamahalaang barangay na mag-aabiso sa Municipal Health Office.
Nabanggit din ni Martinez na malaking hamon sa lokalidad ang punuan na mga ospital dahil sa dumadaming bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
Kaya patuloy ang kaniyang panawagan sa lahat na maging responsable at maging maingat upang maproteksyunan hindi lamang ang sarili kundi ang mga mahal sa buhay at kapwa mamamayan.
Ang paalala ng alkalde ay ang palaging pagsunod sa mga health protocol na pagsusuot ng face mask at face shield, at pagsasagawa ng physical distancing.
Samantala, batay sa talaan ng pamahalaang bayan ng Talavera ay umabot na sa 272 ang COVID-19 confirmed cases sa lokalidad na mayroong 85 aktibong kaso, 175 ang mga gumaling na at 12 ang mga naitalang nasawi.