Nagpositibo sa Coronavirus 2019 (Covid-19) ang alkalde ng Sta. Maria, Bulacan matapos sumailalim sa RT-PCR testing makaraang makaramdam ng mga sintomas.
Base sa resulta ng RT-PCR test na inilabas nitong Miyerkules ng umaga, positibo sa COVID-19 si Mayor Russel Pleyto at kasalukyang sumasailalim sa 14-day quarantine.
Ayon sa kaniyang Facebook account post, inamin ni Mayor Pleyto na siya ay nakaranas ng flu-like symptoms simula pa ng Lunes kaya naman agad siyang nagpa-swab test araw ng Martes at dito ay positibo sa naturang virus ang butihing alkalde.
Base sa kaniyang pahayag, pinaalalahanan nito ang mga taong naka-close contact nito para obserbahan ang kanilang mga pakiramdam at agad na makipag-ugnayan sa rural health unit sakaling makaramdam ng sintomas.
Kumikilos na rin ang mga kawani ng municipal health office para sa contact tracing at isinailalim na rin ang ilan sa mga ito sa swab testing base na rin sa derektiba ni Mayor Pleyto upang maiwasan ang pagkahawa.
Si Pleyto ang ika-anim na alkalde sa Bulacan na tinamaan ng Covid-19 kung saan unang-una ay si Baliuag Mayor Ferdie Estrella, Bulakan Mayor Vergel Meneses at Balagtas Mayor Eladio Gonzales Jr., Bocaue Mayor Jose Santiago at San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan. Bukod sa mga nabanggit na alkalde ay nagpositibo rin sa naturang virus si Governor Daniel Fernando