Nakarekober na mula sa COVID-19 ang 95 kabataang “children in conflict with the law (CICL),” at mga kawani at jail guards ng Juvenile Center o ang Bahay Tanglaw Pag-asa (BTP) sa Bulacan matapos makumpleto ang 21-day quarantine.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, provincial health officer II at hepe ng Bulacan Medical Center (BMC), kabilang dito ang ay ang 80 youth inmates o CICL, siyam na Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) workers at anim na jail guards.
Kinumpirma rin ito ni Ret. Col. Marcos Rivero, head ng Provincial Civil Security and Jail Management Office nitong Lunes kung saan bukod sa 21-araw ng self isolation/ quarantine ay negatibo na ang swab test ng anim na guwardiya.
Nabatid na ang juvenile reformation and correctional facility kilala bilang Bahay Tanglaw Pag-asa na matatagpuan sa Barangay Guinhawa sa Lungsod ng Malolos ay isinailalim sa hard lockdown makaraang magpositibo sa Covid-19 ang mga kabataang preso na sinasabing nahawa sa PSWDO staff member dito na unang nagpositibo sa nasabing virus noong March 26.
Ang Bahay Tanglaw Pag-asa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng PSWDO na mayroong 100 CICL naka-detine na pawang may kasong rape, robbery at violations of the Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Samantala, patuloy na pinapaalalahan ni Governor Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na manatili na lamang sa loob ng tahanan at huwag nang lumabas kung hindi naman importante ang pupuntahan kasabay ng striktong pagtupad sa minimum health standard protocols gaya ng social distancing at pagsuot ng facemask at face shield.
Hinikayat din ng gobernador ang mga ito na labanan ang pagkakalat ng maling impormasyon sa gitna ng umiiral na pandemya dahil nagdudulot ito ng pagkalito, takot at galit sa mga kapwa niya Bulakenyo.
Pinalakas din ng provincial government ayon kay Fernando ang kanilang laban kontyra sa covid-19 kung saan ginagawa nila ngayon ang ibayong pamamaraan sa pagpuksa sa virus sa ilalim ng kanilang covid surge capacity design.
Isa na rito ang conversion ng provincial hospital o ang Bulacan Medical Center (BMC) bilang full Covid-19 center facility gayundin ang Bulacan Infection Control Center (BICC) bilang primary Covid-19 referral facility for moderate to critical cases.
Ayon kay Fernando, nagdagdag din sila ng 200 hospital beds sa nasabing mga pasilidad ngunit wala umano tatanggapin dito na non-covid patients.
Dagdag pa ng gobernador na ang recovery rate ng Bulacan ay nananatiling mataas na 85 percent (21,392 recoveries mula sa 25,181 verified affected ng virus sa buong probinsiya).