Limang hinihinalang mga drug pushers ang nadakip ng mga operatiba kung saan tinatayang P8 milyon piso halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa kanilang pag-iingat sa ikinasang buy bust operation nitong Miyerkules ng hapon sa Lungsod ng Malolos.
Napagalaman na ang nasabing anti-illegal drug operation ay ikinasa ng joint operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III, Bulacan Provincial Police Office (PPO), at Malolos City Police Station.
Kinilala ni Christian Frivaldo, PDEA-3 regional director ang mga nadakip na suspek na sina John Patrick Milan alias “Wang”: Kevin Paul Jose: Mispa Jamsen: Jayson Justiniano at Enrick Justin, na pinaniniwalaang mga major suppliers ng marijuana sa lalawigan ng Bulacan at maging sa mga bayan ng lalawigan ng Pampanga.
Base sa panmulang imbestigasyon, isinagawa ang operasyon bandang alas-2:30pm sa No. 2B 920, Barangay Look 1st sa nasabing lungsod.
Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang humigi’t kumulang 68 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P8,160,000.00; cellular phone; weighing scale at ang ginamit na marked money.
Nahaharap sa kasong Violations of the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang limang suspek.