Nagpahayag ng suporta ang mga manggagawa at ibang pang sektor noong Sabado, Labor Day, para sa panukalang magpamahagi ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino habang ang bansa ay patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa mga benepisyaryo ng kampanyang “Sampung Libong Pag-Asa,” isang programa ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at mga mambabatas na kasapi sa Balik sa Tamang Serbisyo (BTS) sa Kongreso movement na ginanap ngayong Mayo Uno, makatutulong sa kanila ang pagpapatuloy ng cash aid program ng gobyerno para makaahon mula sa kahirapan.
Wika ni Lorna Javierto, isang candy vendor na nawalan ng asawa sa COVID-19 at ngayon ay naninirahan sa isang sementeryo sa Bulacan, ang natanggap niyang tulong na salapi ay makatutulong sa pagtataguyod ng kanyang mga anak.
“Malaking tulong po sa akin ito dahil ako lang ang naghahanapbuhay. Masusustentuhan ko na po ang pamilya ko at ang mga anak ko sa kanilang pag-aaral,” sabi ni Javierto.
Para sa construction worker at solo parent na si Regal Alcones ng Batangas, magagampanan na niya ang kanyang tungkulin bilang ama sa pamamagitan ng tulong pinansyal na natanggap niya.
“Magkakaroon na po ako ng pagkakataon gampanan ang tungkulin ko bilang haligi ng tahanan,” sabi ni Alcones, na nawalan ng trabaho bilang tricycle driver dahil sa pandemic.
Sa Marikina, sinabi ng cancer patient na si Ma. Elena Rabela na makakaya na niyang bumili ng gamot dahil sa karagdagang cash aid na natanggap niya.
“Balak ko pong tahakin ang unang hakbang patungo sa panibagong buhay po. Makakapagpagamot na po ako at magkakaroon ng pagkakataong makakagsimula ulit po,” sabi niya.
Ang “Sampung Libong Pag-Asa” ay idinaos sa Batangas, Bulacan, Cavite, Camarines Sur, Caloocan City, Marikina City, Quezon City, Taguig City, Mandaluyong City, Pateros, Sta. Rosa sa Laguna, Lungsod ng Antipolo sa Rizal, at Lungsod ng Ormoc sa Leyte.
““Mga tunay na tao ito na tunay ang problema, na bago magkaroon ng pandemya ay hirap na at ngayon ay hirap na hirap. Ilan lang ang [nabigyan] today, at bagama’t maraming na-i-inspire na gusto ring tumulong, kailangan pa rin talaga natin itong batas na ito para lahat mabigyan,” sabi ni Cayetano sa programa na ipinalabas sa kanyang opisyal na pahina sa Facebook.
“Hopefully, itong gagawin natin today, in the spirit of bayanihan through private sponsors and donors, ma-encourage ang Congress pag-open ng May 17 na ‘yung 10K Ayuda Bill at Bayanihan 3 ay itulak naman at ipasa na,” dagdag niya.
Ang programa ay bahagi ng kampanya nina Cayetano at kanyang mga kaalyado na magbigay ng cash aid sa lahat ng pamilyang Pilipino na magagamit na pambili ng mga pangunahing pangangailangan at buhaying muil ang kanilang mga kabuhayan sa gitna ng pandemya.
Nai-file nila Cayetano at ng mga kaalyado niya ang 10k Ayuda Bill noong Pebrero sa layuning palawakin ang cash aid program ng gobyerno para sa mga pamilyang Pilipino.
Ang panukala ay isinali sa Bayanihan 3 ngunit sa kasamaang palad, hindi isinama ang pagkakaloob ng P10,000 para sa lahat ng pamilya.
“Ilan lang ang [nabigyan] ngayon, at bagama’t maraming na-i-inspire na gusto ring tumulong, kailangan pa rin talaga natin itong batas na para sa lahat ng mabigyan,” sabi ni Cayetano.
Mula Pebrero hanggang Abril ng taong ito, nakapamahagi na ang grupo ng P10,000 sa 38 residente ng Caloocan City, Pasig City, Quezon City, at Cavite.