Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na mananatiling matatag ang pundasyon ng mga bangko at ng sistema ng pananalapi ng bansa sa kabila ng dumaraming hindi makabayad ng utang ngayong pandemya.
Ito ay dahil sa Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang Republic Act 11523.
Paliwanag ni Tessa Ramoso Openiano ng BSP Cabanatuan, nakasaad sa naturang batas na maaari nang pakawalan o maipagbili ng mga bangko ang mga non-performing loans o NPL. Ito ang mga utang na hindi nabayaran na 90 araw mula nang ito’y mautang.
Hindi gaya ng mga past due loans na nabibigyan ng grace period o palugit na mabayaran sa loob ng 30 araw mula sa itinakdang due date, ang NPL ay talagang hindi nababayaran sa mahabang panahon.
Kaya’t sa pamamagitan ng FIST Act, nabuksan ang pintuan upang mahikayat ang mga nasa pribadong sektor na mas may malaking kakayahan upang subukang mamuhunan sa mga NPL.
Maiibsan aniya ang pasanin ng mga bangko sa NPL at mapapalakas ang liquidity upang mas dumami ang pondong mapahiram sa mga micro, small and medium enterprises.
Binigyang diin pa ni Openiano na ang kagandahan sa FIST Act, naisabatas sa loob lamang ng isang taon mula nang magkaroon ng pandemya.
Isa ang FIST Act sa pangunahing laman ng stimulus package ng administrasyong Duterte upang muling mapasigla at mapalakas ang ekonomiya.