Ipinagdiriwang ngayong linggo ang ika-43 anibersaryo ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech.
Ayon kay PhilMech Director I Arnel Ramir Apaga, iba’t ibang pagbibigay kaalaman o talakayan ang nakalinya sa buong linggong ito na bagamat hindi personal na magkakasama-sama ay inaasahan pa ding magiging matagumpay at makabuluhan ang mga iginayak na programa partikular ang pagsusulong ng pangangalaga sa mga inaaning produkto sa pagsasaka.
Kasabay sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng ahensya ay ang paggunita sa ika-22 Postharvest Prevention Loss Week na ang pangunahing layunin ay magkaroon ng kamalayan at pangkalahatang pagkakaisa upang maingatan ang mga inaaning produkto sa bansa na makatutulong sa kabuhayan ng mga mamamayan at ekonomiya.
Sa kaniyang mensahe ay ibinahagi ni Apaga na noong itinatag ang PhilMech na unang tinawag na National Postharvest Institute for Research and Extension ay sobra-sobra ang produksyon ng palay sa bansa kung kaya’t pinamunuan ng tanggapan ang pananaliksik upang maiwasang masira ang sobrang produkyon ng palay na noon ay ineexport pa ng bansa.
Kaniyang idinagdag na kung ikukumpara ngayong panahon ay apektado ang produksiyon sa sakahan dahil sa mataas ang gastusin sa mga pagpapatanim at mayroong hindi inaasahang suliraning dulot ng COVID-19 pandemic.
Paglilinaw ni Apaga, tunay na mahalaga ang pangangalaga sa mga sinasakang produkto lalo na’t mayroong magagamit na mga makinarya at teknolohiya nang maiwasan ang pagkasira ng mga produkto na nakukuha sa agrikultura.
Binigyang diin naman ni PhilMech Executive Director Baldwin Jallorina sa kanyang mensahe ang kagitingan ng mga magsasakang Pilipino na bagamat may pangamba sa pandemiya ay nagpatuloy sa trabaho upang may maihaing pagkain sa sambayanan.
Sa kabila aniya ng angking katangian at kasipagan ng mga magsasaka ay dapat lamang na sila ay masuportahan at maibigay ang mga pangangailangan upang lalong maging produktibo at makasabay sa kalakaran ng pagsasaka.
Ayon pa kay Jallorina, ilan sa mga nakikitang pamamaraan ng tanggapan upang lalong maging competitive ang mga magsasakang Pilipino ay ang patuloy na pagsusulong ng mekanisasyon sa agrikultura at maibsan ang postharvest losses sa mga aning produkto.
Hangarin aniya ng tanggapan na patuloy makatulong at maiabot ang mataas na kalidad ng serbisyo’t programa sa mga kababayang magsasaka.
Kasabay ng pagsisimula ng pagdiriwang ng anibersaryo ng PhilMech ay opisyal na ding nagsimula kahapon, ika- 24 ng Mayo, ang pagdaraos ng Techno-Talakayan hinggil sa Agricultural Mechanization at Postharvest Loss Prevention na kung saan ay ibinabahagi ng ahensiya ang mga pamamaraan, proyekto, at pag-aaral hinggil sa pagsasaka ng palay, mais at high value crops.
Matutunghayan ang iba pang mga nakagayak na virtual seminar o activity sa opisyal na facebook page ng PhilMech hanggang sa ika-28 ng Mayo.