Pinasinayaan na ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems o NIA-UPRIIS ang Upper Tabuating Small Reservoir Irrigation Project sa bayan ng General Tinio sa Nueva Ecija.
Isa ito sa mga nabanggit ni NIA-UPRIIS Department Manager Rosalinda Bote na kasama sa mga proyektong tinutukan ng tanggapan na natapos ang konstruksyon noong Disyembre 2020.
Sa kanyang panayam sa programa sa radyo ng Philippine Information Agency kamakailan ay binanggit ni Bote na kasama ang Tabuating Dam sa mga local dam na matatagpuan sa lalawigan na makatutulong sa pagpapatubig sa mga bukirin partikular tuwing tag-ulan habang nag-iipon ng lamang tubig ang Pantabangan Dam bilang paghahanda para sa susunod na tag-araw.
Bagamat nananatili ang mga suliraning dulot ng pandemyang COVID-19 ay natapos ng NIA ang pagpapagawa ng Tabuating Dam na matatagpuan sa barangay Nazareth sa bayan ng General Tinio.
Ang proyektong ito na nagkakahalaga nang 878 milyong piso ay may sukat na 25.56 meters height above the lowest streambed at 760 meters length gayundin ay may storage capacity na 4.96 million cubic meters na kayang magpatubig sa 700.87 ektaryang bukirin.
Sa datos ng NIA-UPRIIS ay nasa 223 farm families mula sa mga barangay Nazareth, Rio Chico at Bago sa bayan ng General Tinio at barangay San Mariano sa Peñaranda ang maseserbisyuhan ng Tabuating Dam.
Kasabay din ng pagbabasbas sa bagong dam ay ang pagpapakawala rito ng 12,000 tilapia fingerlings na mapakikinabangan ng mga komunidad malapit sa pasilidad.
Pahayag ni Bote, layunin din ng pagtatayo ng mga dam na maging solusyon sa mga pagbaha gayundin ay makatulong sa pamumuhay at kabuhayan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng aqua culture.
Ang okasyon ay pinangunahan mismo ni NIA Administrator Ricardo Visaya kasama si Deputy Administrator for Administrative and Finance Romeo Gan, ang mga opisyales ng NIA- UPRIIS sa pangunguna ni Department Manager Rosalinda Bote, Congresswoman Maricel Natividad-Nagaño at General Tinio Mayor Isidro Pajarillaga na sinaksihan ng ilang mga magsasaka.
Sa kaugnay nitong balita ay binanggit din ni Bote ang ilan pa sa mga nakaliyang proyekto ng tanggapan gaya ang pagpapatayo ng maliit na dam sa barangay Marikit sa bayan ng Pantabangan na target matapos ngayong Disyembre 2020 na magpapatubig sa 224 ektaryang bukirin.
Bukod pa ang ongoing construction ng Balbalungao Dam sa bayan ng Lupao na nakasasakop at magpapatubig sa nasa 750 ektaryang lupain.
Mayroon din aniyang naka-propose na Lower Cabu Dam Project sa lungsod ng Palayan na magpapatubig sa 750 ektaryang bukirin na may kaugnayan sa paghahatid ng serbisyo sa mga extension areas na sakop ng ahensya.