Tuloy-tuloy ang isinasagawang distribusyon ng relief goods at cash assistance ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ibat-ibang sektor sa nabanggit na probinsiya sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na apektado pa rin ng pandemiya.
Sa pahayag ni Rowena Tiongson, hepe ng PSWDO, nito lamang Miyerkules ay 649 na panguluhan ng homeowners association sa Bulacan ang binigyan ng tig-25 kilong bigas at cash na P1,500 bilang tulong ng provincial government sa mga ito.
Ayon kay Tiongson, ibat-ibang pamamaraan ng pagtulong ang inilulunsad ng provincial government sa inisyatibo ni Governor Daniel Fernando para sa mga Bulakenyo mula sa ibat-ibang sektor sa pamamagitan ng pamamahagi ng ayudang food package at cash assistance.
Aniya, araw-araw ay abala ang pamahalaang panlalawigan sa ibat-ibang activities sa provincial capitol gymnasium kung saan mismong si Gob Fernando ang namamahagi ng kaloob na tulong.
Nitong Huwebes ay nagkaloob si Fernando ng mga alagang hayop mula sa kaniyang Animal Distribution Program sa mga Bulakenyong magsasaka gaya ng kambing upang alagaan at maparami nang sa gayon ay maging karagdagang pagkakitaan habang nararanasan ang pandemiya.
Tuloy-tuloy rin ang lingguhang pamamahagi ng mga cash assistance sa mga estudyante sa ilalim ng tulong edukasyon scholarship program ng kapitolyo para sa mga mag-aaral mula sa mga pribado at pampublikong kolehiyo at unibersidad.
Mahigit naman sa 1,800 na Bulakenyo mula sa ibat-ibang grupo ng manggagawa gaya ng tourism establishment, organization and association ang nakatanggap ng P5,000 each sa ilalim ng programa ng Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa isinagawang “COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) Awarding of Beneficiaries” nito lamang nakaraang Lunes.
Ayon sa gobernador, hindi tumitigil ang provincial government sa pagtulong sa mga Bulakenyong dumaranas ng paghihirap ngayong panahon ng pandemiya.