Nitong Lunes, June 7, binisita ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano ang Sindalan Sports Complex, Barangay Sindalan, San Fernando City, Pampanga para sa isang “Kamustahan at Bayanihan” kasama ang grupong Presyo, Trabaho at Kita/Kaayusan o PTK.
Kasama ni Congressman Cayetano sina San Fernando City Mayor Edwin David Santiago, mga anak ni 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales at mga kinatawan ng transport groups at mga kooperatiba sa pamamahagi ng P50 libong ayuda sa mga asosasyon ng jeepney drivers, tricycle drivers, at market vendors, at namahagi din para sa kanila ng grocery packs at immunity kits.
Sa kanyang mensahe binigyang diin niya ang isinusulong na P10k Ayuda Bill na aniya ay kaya namang ibigay ng gobyerno sa bawat mahihirap at pinaka nangangailangang pamilyang Pilipino sa buong bansa.
Dagdag pa niya, imbes na mag-away away sa iba’t ibang pananaw sa pulitika, nais din niyang isulong ang pagkakaroon ng 5-year development plan ng gobyerno, lalo na ang mga nagnanais na tumakbong Pangulo ng bansa.
“Kawawa ang susunod na Pangulo ng bansa, kasi lahat ng problema nasa balikat niya. Pero kung mag-a-agree (magkakasundo) tayo, kay Manny Pacquiao ka man, Leni Robredo, Sara Duterte or kung sinoman ang Presidente mo, kung lahat sila may ideya or 5-year plan pagsama samahin natin ito. We need an extraordinary plan for an extraordinary situation”, pahayag ni Rep. Cayetano.