PSA, inilunsad ang Philsys Institutional Registration sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS –Upang mapadali ang pag-access sa national identification system ng mga kawani ng gobyerno, inilunsad ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Philsys Institutional Registration sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ginanap na “#DutyFirst Kapitolyo, Rehistrado” sa Bulacan Capitol Gymnasium nitong nakaraang Lunes.

Ang Philippine Identification System o Philsys ay ang central identification platform ng gobyerno na naglalayong magtatag ng isang pambansang sistema ng pagkakakilanlan para sa lahat ng mga mamamayang Pilipino at mga dayuhan sa bansa.

Kabilang sa unang grupo na nagrehistro sa isinagawang paglulunsad ay sina Gob. Daniel R. Fernando, Bise Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga pinuno ng departamento sa Pamahalaang Panlalawigan habang ang mga natitirang kawani naman ay naka-iskedyul sa Hunyo 8-29, 2021.

Ayon kay Marcelino O. De Mesa, Supervising Statistical Analyst sa PSA Bulacan, maaaring magamit ang national ID bilang isang patunay ng pagkakakilanlan para sa lahat ng mga transaksyon, maging sa isang ahensya ng gobyerno o pribadong institusyon at maaari ding magamit sa labas ng bansa.

“Ang inyong mga ID po ay idedeliver sa inyong mga address. Bukod dito, kikilalanin din po ang inyong mga national ID hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa; ang sabi nga, ito ay ‘one ID for all transaction’ at ‘ease of doing business.’ Mas pinadali dahil po hindi na kailangan pa ng iba pang ID at supporting documents, iisang ID na lang sa bawat transaction, sa gobyerno man o sa probadong institusyon,” paliwanag ni De Mesa.

Aniya, nakikipag-ugnayan ang PSA sa mga lokal na pamahalaan upang tulungan ang pagpaparehistro sa Philsys ng kani-kanilang nasasakupan, kasama na ang proseso ng pre-registration at mismong pagpaparehistro.

Samantala, inihayag naman ni Fernando ang kanyang pagsuporta sa layunin ng Philsys at sinabing ang pagkakaroon ng national ID ay simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

“Tayo po ay lubos na sumusuporta sa Philippine Identification System dahil sa pamamagitan nito, maaari nang makuha ng ating mga kababayan ang iba’t ibang serbisyo mula sa gobyerno o sa pribadong institusyon na hindi na kinakailangan ng marami pang mga ID o ibang mga dokumento. Malaking kaluwagan ito para sa ating mga kalalawigan. At ang maganda rin dito ay makikilala tayo sa ibang bansa na tayo ay mga Pilipino sa pamamagitan lamang ng isang ID card,” anang gobernador.Ang Philippine Identification System Act na kilala bilang Republic Act No. 11055 ay nilagdaan upang maisabatas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Agosto 2018.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews