Mga peryodista sa Bulacan mababakunahan na, ani Fernando

Inerekomenda ni Bulacan Governor Daniel Fernando kay  Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis ang mga lehitimong Bulacan-based media practitioners bilang essential sector na nakapaloob sa A4 frontline personnel para mabakunahan laban sa COVID-19.

Nabatid na nakipag-ugnayan ang gobernador kay Bulacan Press Club Inc. (BPCI) former president Erick Silverio, correspondent ng The Manila Times kung saan nais nito na maisama na sa priority list (A4 category) ang mga mamamahayag para bakunahan.

Ito ay matapos hilingin ng BPCI sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan sa pangunguna ni Jenny Raymundo na makasama na ang mga miyembro nito sa susunod na schedule ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon naman kay Maricel Cruz, hepe ng Provincial Public Affairs Office (PPAO), iniutos din ni Fernando na bukod sa mga kasapi ng BPCI ay kasama rin ang iba pang mga media club sa nasabing probinsiya na isasama sa isasagawang vaccination.

“Very important ang roll ng mga kaibigan natin mula sa industriya ng pamamahayag, mga frontliner din sila kaya nararapat lang na sila ay agad din maproteksyunan at mabigyan ng bakuna at sisiguruhin natin na lahat sila ay mababakunahan,” ani Gob. Fernando.

Bukod sa BPCI ay kabilang din ang mga national at local media na accredited at non-accredited sa tanggapan ng PPAO na ayon kay Cruz ay hihigit sa 100 mamamahayag.

Pinasalamatan naman ni Silverio ang naturang inisyatibo ni Fernando sa pagbigay proteksyon sa mga working media kung saan Bulacan pa lamang ang kauna-unahang probinsiya sa Central Luzon magsasagawa ng media inoculation program.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng provincial government ang paparating na mga bakuna mula sa mga brand ng Sinovac, Astrazeneca o Pfizer na siyang gagamitin para sa inihahandang mass simultaneous vaccination sa susunod na buwan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews