Positibong impluwensiya ng LGBT community pinalakas sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS- Ipagdiriwang ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT) Community-Bulacan Federation sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at pakikiisa ng PNP-Bulacan ang taunang LGBT Pride Month mula Hunyo 17 hanggang Hulyo 22, 2021 bilang pagkilala sa positibong impluwensya ng mga LGBT sa mundo.

Sa higit kumulang na 40,000 miyembro ng pederasyon ng LGBT Bulacan na may edad 18 taon pataas, layunin nito na  itaas ang kamalayan ng Bulakenyong LGBT sa kanilang tungkulin bilang force multipliers pagdating sa kaligtasan at kapayapaan bilang bahagi ng LGBT Bulacan Federation sa advocacy  group ng PNP Bulacan sa pagpapatupad ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte o ang pag-iinstitusyunado ng Pangulo sa Whole Nation Approach Policy para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at rebeldeng NPA. 

Tinawag na ‘Lakbay Kumustahan: The LGBT Bulacan Hello Caravan 2021’, bibisita ang mga opisyal ng pederasyon sa mga lokal na samahan ng LGBT sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan upang palakasin ang ugnayan at talakayin ang mga proyekto at programang kapaki-pakinabang sa mga Bulakenyong LGBT.

Kabilang sa tatalakayin ang malawakang information campaign hinggil sa kanilang karapatan at Anti-Discrimination Bill; mga programang maaari nilang mapakinabangan; database at profiling upang maitala ang datos at estado ng LGBT na makatutulong na makatugon sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan, edukasyon, trabaho, negosyo at kalakalan kung saan ibabase ang tamang paglikom ng programa at pondo mula sa ibang ahensya at departamento na kasudlong ng sektor. 

“Basically for the entire Philippines, medyo huli ang sector ng LGBT sa napapansin, that’s why we would like our sector to be part in the priority list ng gobyerno and we are thankful for the initiative of Gov. Fernando in helping us giving his all-out support sa mga katulad namin,” ayon kay Renan Eusebio, chairman LGBT Bulacan Federation at director for Central Luzon of LGBT Pilipinas.

Aniya, nasa 40,000 ang LGBT sa lalawigan ng Bulacan kung saan sa unang araw pa lamang ay 13,000 LGBT na ang nagparehistro para sa database for profiling.

Ayon pa kay Eusebio, ang nasabing basic form database and profiling ay para madaliang matukoy ang kasarian ng mga miyembro nito bilang tomboy, bakla, bisexual at transgender hindi gaya nang sa  national ID system na ilalagay lang aniya kung  “male or female”.

Gayundin, ilalatag ang Cash for Work Program sa humigit kumulang na 500 Bulakenyong LGBT para naman sa mga nawalan ng hanapbuhay.

Sinabi ni Gob. Daniel Fernando na tinitiyak ng lalawigan na napapahalagahan ang lahat ng papel na ginagampanan ng bawat sektor sa lipunan.

“Bawat isa sa atin ay may mahalagang papel na ginagampanan at kayo ay isa dito. Your contributions are as vital as everybody’s who is willing to share his part for the province, kaya buo ang suporta namin sa inyo,” ani Fernando.

Samantala, tatanggap ang 371 Bulakenyong LGBT ng tig-P5,000 bawat isa mula sa programa na DOLE-DOT Bayanihan Act II para sa Tourism Displaced Workers na tulong pinansiyal para sa mga nawalan ng trabaho at Negosyo; 10 ang tatanggap ng Negosyo Cart at 80 E-loading station mula DOLE at PESO Bulacan. 

Bukod dito, ayon pa kay Fernando ay may ilalaan ding 300 iskolar para sa nasabing samahan sa tulong ng Tanggapan ng Punong Lalawigan ng Bulacan bilang suporta sa mga kabataang Bulakenyong LGBT na nais makapagtapos ng kanilang pag-aaral.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews