Kaugnay ng isinasagawang modernisasyon sa transportasyon, nagtulungan ang Department of Transportation (DOTr) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamamagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang isagawa ang programang “Tsuper Iskolar Lecture and Launching of Libreng Sakay” para sa mga Bulakenyong tsuper at mga operator na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium dito nitong Sabado.
Sa isinagawang lecture na pinangunahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Regional Office III (LTFRB-III), may 160 na mga jeepney driver at operator sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa lalawigan ang tinukoy na tatanggap ng iskolar kung saan ang kanilang mga benepisyaryo o dependent ay maaari ring makakuha ng libreng skills training sa pagkakataon na sila mismo ay hindi nagnanais na mapabilang sa programa.
Ayon kay Rowena Tolentino, kinatawan ni Dir. Si Jovencio M. Ferrer ng TESDA, bawat iskolar na sasali para sa programa ay may karapatan para sa libreng skills training, skills assessment at entrepreneurship training at tatanggap rin ng training support fund para sa pondo sa pagkain at transportasyon na may katumbas na P350 bawat araw ng pagsasanay na aabot hangang 35 na araw kung saan ang mga kasanayang nakuha ay makatutulong sa kanila na magbukas ng mga bagong oportunidad upang kumita.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag rin ni DOTr Sec. Arthur P. Tugade ang kahalagahan ng pagkakaroon ng proyektong ‘Libreng Sakay’ sa lalawigan sa ilalim ng Service Contracting Program at kung paano nito masisiguro ang kita para sa mga interesadong driver na sasali sa programa.
“Napaka ganda po nitong Libreng Sakay. Dito, makikinabang na ang sambayanan lalo’t higit ang ating mga medical frontliner; ‘yung mga APOR at mga empleyado dito sa ating tinatawag na essential services dahil libre ang pamasahe at walang singilan, ngunit garantisado ang sahod at kita ng ating mga drivers,” ani Tugade.
Sa kasalukuyan, mayroong anim na air-conditioned na PM Jeepney sa Pamahalaang Panlalawigan na may rutang patungo sa Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng NLEX Meycauyan-Malhacan.
Inanunsyo rin ni Tugade na magkakaroon ng mga bagong ruta sa lalong madaling panahon sa Lungsod ng Meycauayan sa pamamagitan ng McArthur Highway, Lungsod ng Malolos; bayan ng Bocaue sa pamamagitan ng Norzagaray-Angat na papunta sa National Road; at Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng bayan ng San Miguel na papunta sa Cabanatuan.
Samantala, binigyang diin ni Fernando na ang layunin ng programa ay magbigay ng karagdagang kaalaman at kasanayan lalo na sa mga driver na maaapektuhan ng modernisasyon sa transportasyon at nagpahayag din ng kanyang pasasalamat sa DOTR, LTFRB at TESDA sa paglulunsad ng programa sa lalawigan.
“Ito ay bahagi rin ng paghahanda sa modernisasyon ng ating transport sector. Hangad natin na malinang ang kakayahan ng ating mga displaced worker, mga driver para sa lalong pag-asenso nila sa linya ng marangal na paghahanap-buhay. Ako po ay nagagalak dahil sa pamamagitan nito, makapaghahandog tayo ng mga kursong makapagbibigay ng dagdag kaalaman at iba pang oportunidad para sa mga driver, operator at maging sa mga benepisyaryo nila,” anang gobernador.