LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Marami pang nakagayak na programa ang Department of Trade and Industry para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs sa Nueva Ecija.
Ayon kay DTI Nueva Ecija Business Development Division Chief Richard Simangan, tinitignan ng tanggapan ang lahat ng pamamaraan at oportunidad na maaaring makatulong sa paglago ng mga MSME sa lalawigan.
Kabilang aniya sa mga inisyatibo ng tanggapan ay ang pagsusulong ng digital marketing na ngayon ay mayroon nang drop point ang Lazada sa lungsod ng Cabanatuan at bayan ng Aliaga upang madaling mabili ang mga produktong gawa sa lalawigan.
Bukod pa rito ang kasalukuyang pagsasaayos ng dalawang online platform para lamang sa mga MSME sa Nueva Ecija upang madaling maipakilala sa mga mamimili ang mga ipinagmamalaking produkto at mapalago ang kanilang kita.
Pahayag ni Simangan, ang dalawang online platform na ito ay ang pagkakaroon ng sariling website at mobile application na bukas at patuloy na pinag-aanyaya para sa mga MSME sa buong lalawigan.
Mayroon din aniyang inaalok ang isang mall o establisimento sa Nueva Ecija na pwesto para sa mga MSME na kung saan tinitignan din ng DTI ang kanilang kagayakan sa produksiyon gayundin ay nananatiling prayoridad ang kaligtasan at pag-iingat mula sa banta ng COVID-19.
Ibinalita din ni Simangan na maaari pa ding mag-apply ang mga negosyanteng nangangailangan ng suportang pinansiyal sa Small Business Corporation gayundin sa iba pang mga kailangang pagsasanay sa pagpapaunlad ng negosyo na libreng ibinibigay ng DTI.
Aniya, nasa 30 bagong MSME ang kasalukuyang naka-enroll at natukoy na isasali sa One Town, One Product o OTOP product development na bibigyan ng libreng packaging.
Patuloy ding tinitignan ng DTI ang kalagayan ng mga nabigyan ng livelihood kits mula sa Negosyo Serbisyo sa Barangay o NSB mula nang magsimula ang programa taong 2018.
Sa datos ng ahensya ay umaabot na sa 70 NSB ang nailunsad sa buong Nueva Ecija na kung saan sa bawat barangay ay nagpapamahagi ng mga livelihood kit bilang dagdag o simula ng pagkakaroon ng hanapbuhay sa mga komunidad.
Pahayag ni Simangan, asahan pa ang patuloy na pagdating ng mga programa ng DTI na tumututok sa paglago ng mga MSME sa pamamagitan ng 7M strategy o mindset, mastery, mentoring, market, money, machines at models.