Humigit kumulang 103 katutubo sa barangay Maguisguis at Moraza sa bayan ng Botolan sa Zambales ang nakinabang sa mga libreng pagsasanay ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Ayon kay TESDA Provincial Director Melanie Grace Romero, ang Katambay ha Kabiyayan boy Kainomayan Project o Katulong sa Kabuhayan at Kaunlaran ay proyekto ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster.
Isa ito sa 12 clusters ng Zambales Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict na alinsunod sa Executive Order No.70 ni Pangulong Rodrigo Duterte o whole-of-nation approach upang tuldukan ang insurhensya.
Kabilang sa mga inihandog na pagsasanay ang Shielded Metal Arc Welding NC II, Photo Voltaic System Installation NC II, Solar Power Irrigation System Operation and Maintenance NC II at Organic Agriculture Production NC II.
Sa barangay Maguiguis, 25 ang sumailalim sa Shielded Metal Arc Welding NC II, 25 sa Photo Voltaic System Installation NC II, at 24 sa Solar Power Irrigation System Operation and Maintenance NC II.
Sa barangay Maguisguis at Moraza, may kabuuang 29 katutubo ang sumailalim sa Organic Agriculture Production NC II. Bukod sa kanila, 5 dating rebelde at 15 pulis at sundalo din mula sa dalawang barangay ang sumailalim sa parehong pagsasanay.
Bukod sa libreng pagsasanay, ang mga benepisyaryo ay nagkaroon din ng libreng competency assessment.
Dagdag pa ni Romero, nakatanggap din ang bawat isa ng 160 piso kada araw bilang living allowance at 1,000 piso para sa internet allowance at health protective supplies. (CLJD/RGP-PIA 3)