Hindi bababa sa 50 barangay mula sa sampung bayan sa lalawigan ng Bulacan ang lumubog sa tubig baha dulot ng tuloy-tuloy na pag-uulan dala ng habagat at Typhoon Fabian na sinabayan pa ng high tide mula sa Manila Bay.
Base sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, 15 barangay sa Paombong, 5 barangay sa Guiguinto, 4 barangay sa Marilao at 5 barangay sa Balagtas ang lumubog sa tubig baha.
Napagalaman pa na anim pang mga bayan na hindi kasama sa report ng PDRRMO ang sinasabing lubhang naapektuhan ng pagbaha kabilang na ang Bulakan, Hagonoy, Bocaue, Calumpit, Sta Maria, Meycauayan City na pawang lubog mula 1 hanggang 3.5 metrong taas ng tubig baha.
Naging sanhi rin umano ng mabilis na pagtaas ng tubig ay ang pagpapakawala ng tubig mula sa Bustos Dam mula pa nitong Huwebes hanggang Sabado ng umaga.
Nabatid na nitong Sabado bandang alas-6:00 ng umaga ay nagpakawala ng tubig ang Bustos Dam ng 84 cubic meters makaraang lumagpas ang water elevation nito na mula sa 17 meters ay umabot sa 17.35 meters ang spiling level. Nauna na rito ay nagpakawala na ng tig-28 cubic meters ang nasabing dam araw ng Huwebes at Biyernes.
Ayon pa sa PDRRMO report, 12 kalsada mula sa mga barangay at provincial roads ang iniulat na not-passable kabilang ang 3 kalsada sa Marilao, 1 sa Sta Maria, 8 naman sa Hagonoy town.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni Governor Daniel Fernando sa PDRRMO ang pagpapadala ng 2 army truck sa bayan ng Hagonoy para sa “Libreng Sakay” kasabay ng derektiba nito na patuloy magsagawa ng monitoring sa mga barangay at bayan na apektado ng pagbaha.
Nabatid na mula pa ng Huwebes ay patuloy ang pagbisita ni Fernando sa PDRRMO’s Communication, Command and Control Center upang personal na i-monitor ang water level ng Angat, Bustos at Ipo Dam.
Samantala, ang water elevation ng Ipo Dam as of 6:00 am ng Sabado ay nasa 98.72 meters bahagyang malayo pa sa 101 meter spilling level nito habang ang Angat Dam ay nasa 185.89 meters ang water elevation malayo kumpara sa spilling level nito na 210 meters.